Matagumpay na isinagawa ng Philippine National Police (PNP) ang Closing and Awarding Ceremonies ng 2026 PNP Summer Sports Training and Recreational Program noong Hunyo 2, 2026 sa Camp BGen Rafael T Crame, bilang pagtatapos ng limang linggong pagsasanay at mga gawaing panglibangan para sa mga tauhan ng PNP at kanilang mga dependents.
Layunin ng programa na isulong ang holistic development ng mga kalahok sa pamamagitan ng iba’t ibang sports at recreational activities tulad ng Aikido, Judo, Arnis, Karate-do, Taekwondo, Boxing, Swimming, Athletics, Basketball, Volleyball, Badminton, Lawn Tennis, Table Tennis, Chess, Dance Workshop, at Learn-to-Play Band. Sa pamamagitan ng mga ito, higit na nahubog ang disiplina, pakikipagtulungan, pisikal na kalusugan, at pagkakaisa sa loob ng organisasyon.
Dumalo sa seremonya si Police Lieutenant General Bernard M. Banac, Deputy Chief PNP for Administration, bilang kinatawan ni PNP Chief Police General Jose Melencio C. Nartatez Jr. Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ng Chief PNP ang kahalagahan ng programa para sa morale at welfare ng mga tauhan at kanilang mga pamilya.
Ayon pa sa pamunuan, ang mga pagpapahalagang tulad ng disiplina, katatagan, sportsmanship, at teamwork na natututuhan sa mga ganitong programa ay mahalaga sa personal na pag-unlad at sa mas epektibong paglilingkod sa mamamayan.
Muling pinagtibay ng aktibidad ang pangako ng PNP sa pagsusulong ng kapakanan ng mga tauhan at kanilang pamilya bilang mahalagang salik sa pagiging handa sa pagtupad ng mandato, kaakibat ang patuloy na pagsasabuhay ng adhikaing “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”
Source: PNP-PIO



