2nd Palawan PMFC, nagkaloob ng bagong tahanan sa solo parent na nasunugan sa Roxas, Palawan

0
169

Muling ipinamalas ng 2nd Palawan Provincial Mobile Force Company (PMFC) ang malasakit at dedikasyon nito sa paglilingkod sa komunidad matapos matagumpay na maipagkaloob ang isang bagong tahanan sa isang solo parent na biktima ng sunog sa Barangay New Barbacan, Roxas, Palawan noong Hunyo 1, 2026.

Sa ilalim ng programang “Kalingang 2nd Palawan PMFC, Walang Imposible,” pinangunahan ni Police Major Roel A. Tattao, Acting Force Commander ng 2nd Palawan PMFC, ang inisyatiba katuwang ang Sangguniang Barangay ng New Barbacan at ang Rotary Club of Roxas upang matulungan si Ginang Rowena Palay at ang kanyang dalawang anak na muling makabangon mula sa kanilang sinapit na trahedya.

Matatandaang madaling araw ng Mayo 13, 2026 nang tuluyang maabo ang tahanan ng mag-iina sa isang sunog. Dahil sa limitadong kakayahang pinansyal upang muling makapagpatayo ng bahay, humingi ng tulong si Ginang Palay sa 2nd Palawan PMFC. Agad namang kumilos ang yunit at nakipag-ugnayan sa mga lokal na opisyal at iba pang katuwang na organisasyon upang maisakatuparan ang proyekto.

Si Ginang Palay, isang solo parent at utility worker sa Barangay Hall ng New Barbacan, ay patuloy na nagsusumikap upang matustusan ang pangangailangan ng kanyang pamilya sa kabila ng mga pagsubok na kanyang kinakaharap.

Kasama ang Barangay Council ng New Barbacan at mga katuwang na organisasyon, pormal na itinurn over ng 2nd Palawan PMFC ang bagong tayong bahay sa mag-iina. Naging simbolo ang proyekto ng pagkakaisa, bayanihan, at malasakit ng komunidad at kapulisan sa pagtulong sa mga nangangailangan.

Nagpaabot naman ng taos-pusong pasasalamat si Ginang Palay sa 2nd Palawan PMFC, sa mga opisyal ng barangay, at sa lahat ng tumulong upang maisakatuparan ang proyekto. Aniya, ang bagong tahanan ay nagsisilbing bagong pag-asa at panibagong simula para sa kanilang pamilya.

Patuloy na isusulong ng 2nd Palawan PMFC ang mga programang nakatuon sa kapakanan ng mamamayan at pagpapalakas ng ugnayan sa komunidad. Ang programang “Kalingang 2nd Palawan PMFC, Walang Imposible” ay patunay na sa pamamagitan ng malasakit, pakikipagtulungan, at sama-samang pagkilos, nagiging posible ang pagbibigay ng tulong at pag-asa sa mga pamilyang higit na nangangailangan, alinsunod sa adhikaing “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”

Source: 2nd Palawan PMFC

Leave a Reply