Isang inaakalang karaniwang transaksyong pangnegosyo sa Ifugao ang nauwi sa matagumpay na operasyon ng Lagawe Municipal Police Station matapos nilang mapigilan ang isang umano’y estafa scheme na kinasasangkutan ng mga Iranian.
Batay sa ulat, nagsampa ng reklamo noong Enero 10, 2026 ang isang 41-anyos na Filipina na negosyante matapos umanong malinlang ng isang lalake at isang babaeng Iranian national sa loob ng kanyang tindahan sa Yakal Street, Poblacion East, Lagawe, Ifugao noong Enero 9. Ayon sa biktima, nasa Php23,000 ang halagang nakuha sa kanya ng mga suspek na agad umalis sakay ng isang dark brown na sasakyan matapos ang insidente.
Agad na inaksyunan ng Lagawe MPS ang reklamo at ipinaalam sa mga karatig-yunit ang mga detalye ng mga suspek. Dahil dito, pansamantalang naharang at na-hold sa Lamut, Ifugao ang dalawang dayuhan na tumugma sa ibinigay na deskripsyon. Personal na kinilala ng nagrereklamo ang mga ito, na nagresulta sa kanilang pag-aresto at paglipat sa Lagawe MPS para sa wastong dokumentasyon at pagsasampa ng kaukulang kaso.
Ipinapakita ng matagumpay na operasyong ito ang epektibong pagpapatupad ng PNP Focused Agenda, partikular sa Enhanced Management of Police Operations, kung saan ang maagap na pag-uulat ng publiko ay magreresulta sa mabilis na aksyon ng kapulisan. Dahil dito, napigilan ang mga suspek na makaalis ng lalawigan at tuluyang makaiwas sa pananagutan.
Sa pahayag ni PLtGenJose Melencio C. Nartatez Jr., Acting PNP Chief: “Public awareness and reporting are vital in addressing crimes at the earliest stage. Kapag may malasakit at tapang na magsumbong ang mamamayan, mas nagiging ligtas ang buong komunidad.”
Sa ilalim ng pamumuno ni PLtGen Nartatez, makatitiyak ang publiko sa mabilis na pagkilos ng kapulisan upang mapanagot ang mga inirereklamong lumalabag sa batas at mapanatili ang kaligtasan ng mamamayan, maging sa mga liblib na komunidad.



