Isang tawag lamang sa Unified 911 ang nagbunsod ng agarang aksyon ng kapulisan na nagresulta sa pagkabigong pagsakatuparan ng isang ilegal na aktibidad ng droga sa bayan ng Claveria, Cagayan. Muling pinatunayan ng insidenteng ito na ang napapanahong impormasyon at mabilis na pagtugon ay mahalagang sandata sa pagprotekta sa mga komunidad laban sa panganib ng ilegal na droga.
Ayon sa ulat, nakatanggap ng intelligence report ang Unified 911 bandang alas-5:00 ng umaga noong Enero 10, 2026, na kaagad namang rinespondehan ng mga kapulisan sa isang residential area kung saan iniulat ang umano’y bentahan ng droga. Makalipas lamang ang isang oras, bandang alas-6:00 ng umaga, naaresto ang isang indibidwal sa lugar at nasamsam ang hinihinalang shabu at iba’t ibang drug paraphernalia.
Nakumpiska ng mga awtoridad ang nasa humigit-kumulang 20.5 gramo ng hinihinalang methamphetamine hydrochloride ang narekober, na may tinatayang Standard Drug Price na Php139,400. Kasama rin sa mga nakumpiskang ebidensya ang weighing scales, improvised drug paraphernalia, mga mobile phone, at iba pang kaugnay na kagamitan. Ang suspek ay kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya, habang ang mga nakuhang droga ay isinailalim na sa laboratory examination ng Regional Forensic Unit.
Binigyang-diin ni PLtGen Jose Melencio C. Nartatez Jr., Acting PNP Chief, ang mahalagang papel ng Unified 911 sa paglaban sa kriminalidad. Aniya, “Malaking tulong ang Unified 911 dahil dito mabilis na naipararating ang impormasyon sa pulisya. Kapag mabilis ang report, mabilis din ang responde. Sa ganitong paraan, napipigilan natin ang mga ilegal na gawain at ang pagkalat ng droga sa komunidad bago pa ito makapinsala.”
Patuloy namang hinihikayat ng PNP ang publiko na aktibong gamitin ang Unified 911 hotline sa pag-uulat ng mga kahina-hinalang aktibidad at krimen. Ang matagumpay na operasyong ito ay patunay ng patuloy na paninindigan ng PNP sa adhikaing Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.



