PNP, muling pinagtibay ang ugnayan sa religious sectors para sa mas pinalakas na moral at spiritual formation ng mga kapulisan

0
343

Pinagtibay ng Philippine National Police (PNP) ang pangako nito sa pagpapaunlad ng kakayahan at paghubog sa moral ng mga tauhan sa pamamagitan ng paglagda sa isang Memorandum of Understanding (MOU) kasama ang Bless Our Cops Movement, Inc. at Christians for Nation Building noong Enero 15, 2026 sa Camp BGen Rafael T. Crame, Quezon City.

Pinangunahan ang aktibidad ni PLtGen Bernard M. Banac, Acting Deputy Chief PNP for Administration, bilang kinatawan ni Acting Chief PNP PLtGen Jose Melencio C. Nartatez Jr., na nagbigay-diin sa kahalagahan ng matibay na ugnayan sa pagpapalakas ng moral values, integridad, at propesyonalismo sa buong hanay ng kapulisan.

Ang kasunduan ay nilagdaan nina PLtGen Banac; Ptr. Octavio L. Muncada, Pangulo ng Bless Our Cops Movement, Inc.; at PLtGen Cesar Hawthorne R. Binag (Ret), Pangulo ng Christians for Nation Building, na nasaksihan naman ni PBGen Aligre L. Martinez, Acting Director ng PNP Training Service.

Layunin ng MOU na gawing pormal ang pagtutulungan ng mga institusyon sa larangan ng pagsasanay, leadership development, at values formation para sa mga tauhan ng PNP bilang bahagi ng mas malawak na pagsisikap na patatagin ang pananagutan at etikal na asal sa loob ng organisasyon.

Sa ilalim ng kasunduan, inaasahang magkakaroon ng mga programang magpapaigting sa moral na lakas at espiritwal na paggabay ng mga pulis, na mahalaga sa pagganap ng kanilang tungkulin bilang tagapangalaga ng kapayapaan at kaayusan.

Ang paglagda sa MOU ay sumasalamin sa patuloy na pagsusumikap ng PNP na palakasin ang mga pakikipagtulungan sa iba’t ibang sektor, sapagkat naniniwala ito na ang mahusay na pamumuno at matibay na pagpapahalaga ay pundasyon ng isang disiplinado at mapagkakatiwalaang puwersa ng pulisya.