Pinaiigting ng Philippine National Police (PNP) ang mga h`akbang sa kahandaan kasunod ng banta ng Tropical Depression Ada na inaasahang makaaapekto sa ilang bahagi ng bansa.
Bilang bahagi ng paghahanda, nagdeploy ang PNP ng umabot na sa 433 personnel simula Enero 15, 2026 sa mga lugar na itinuturing na vulnerable sa pagbaha, landslide, at iba pang panganib na dulot ng masamang panahon upang matiyak ang kaligtasan ng publiko at masuportahan ang lokal na disaster response operations.
Ang mga nakadeploy na pulis ay nakaantabay upang tumulong sa mga local government units (LGUs), sumuporta sa posibleng preemptive evacuation, at magbigay ng seguridad sa mga komunidad habang patuloy na mino-monitor ang galaw ng bagyong Ada.
Binigyang-diin ni PLtGen Jose Melencio C. Nartatez Jr., Acting PNP Chief, ang kahalagahan ng maagap at mabilis na pagtugon. Aniya, “Ayaw nating maghintay na may mangyari bago kumilos. Naka-standby na ang ating mga pulis para tumulong, magbigay ng seguridad, at sumuporta sa mga LGU kung kakailanganin.”
Mahigpit ding nakikipag-ugnayan ang mga yunit ng PNP sa Local Disaster Risk Reduction and Management Councils, mga opisyal ng barangay, at iba pang ahensya ng gobyerno. Bukod sa pagpapanatili ng kaayusan sa mga evacuation center, handa rin ang PNP na tumulong sa relief operations. Sa mga baybayin at pantalan, tumutulong din ang kapulisan sa crowd control at seguridad matapos kanselahin ang 42 biyahe ng sasakyang-pandagat na nagdulot ng pagka-stranded ng 1,378 pasahero.
Bilang unang weather disturbance ng taon, nagsisilbing paalala ang bagyong Ada sa kahalagahan ng kahandaan, koordinasyon, at napapanahong aksyon. Patuloy ang paninindigan ng PNP na makipagtulungan sa mga komunidad at lokal na pamahalaan upang maprotektahan ang buhay at ari-arian ng mamamayan, alinsunod sa adhikain ng Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.



