Matagumpay ang isinagawang command visit ni PLtGen Jose Melencio C. Nartatez Jr., Acting Chief ng Philippine National Police (PNP), sa Police Regional Office 1 (PRO 1) noong Enero 15, 2026, kung saan mainit siyang sinalubong ni PBGen Dindo R. Reyes, Regional Director, kasama ang iba pang senior officers ng rehiyon.
Kasama rin sa pagbisita sina PMGen Constancio T. Chinayog Jr., Director ng Directorate for Personnel and Records Management; at PMGen Westrimundo D. Obinque, Director ng Directorate for Comptrollership.

Sa isinagawang “Talk to Men,” binigyang-diin ni PLtGen Nartatez ang kahalagahan ng epektibong liderato, integridad sa serbisyo, at mahigpit na pagsunod ng rehiyon sa PNP Focused Agenda (Enhanced Management of Police Operations, Resource Management, Morale and Welfare, Integrity Monitoring, at Community Support) at pagiging isang moderno at community-centered upang umangkop sa nagbabagong panahon. Ayon pa sa ACPNP, hindi lamang nasusukat sa pagpapatrolya at imbestigasyon ang trabaho ng pulis, kundi sa positibong epekto nito sa kaligtasan at tiwala ng mga mamamayan.

Hinikayat din ng Hepe ng Pambansang Pulisya ang pagpapatibay ng disiplina, integridad, at propesyonalismo, kasabay ng pagpapaala sa mahigpit na pagbabawal sa pag-inom ng alak sa loob ng mga opisina o pampublikong lugar, ilegal na pagpapaputok ng baril, at pagkakasangkot sa ilegal na sugal, bilang bahagi ng pagsisikap na mapabuti ang imahe ng PNP, kapakanan ng mga pulis at kanilang pamilya.

Kasunod nito, nagkaroon ng isang command conference kung saan sinuri ni PLtGen Nartatez ang operational performance ng rehiyon upang tiyakin ang pagsunod nito sa mga pamantayan ng pamunuan. Layunin ng hakbang na ito na higit pang paigtingin ang kahusayan, pananagutan, at kahandaan ng kapulisan sa rehiyon sa harap ng mga hamon sa seguridad.

Muling pinagtibay ng pagbisita ang adbokasiya ni PLtGen Nartatez para sa isang disiplinado at responsableng PNP, alinsunod sa adhikaing “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”



