PNP, pinagtibay ang transnational cooperation sa pagbubukas ng 44th ASEANAPOL Conference

0
476

Pinagtibay ng Philippine National Police (PNP), sa pamumuno ni Police General Jose Melencio C. Nartatez Jr., ang matatag na ugnayan ng mga regional law enforcement agencies sa pagbubukas ng 44th ASEANAPOL Conference sa pamamagitan ng pagdaraos ng 15th Executive Committee (ExCom) Meeting noong Hulyo 22, 2026 sa Manila Marriott Hotel, Newport World Resorts sa Pasay City.

Dinaluhan ang pagpupulong ng mga Deputy Heads of Delegation at kinatawan ng ASEANAPOL Secretariat mula sa sampung bansang kasapi ng ASEANAPOL bilang patunay ng kanilang nagkakaisang adhikain na mapalakas ang kooperasyon laban sa mga banta sa seguridad sa rehiyon.

Pinangunahan ni Police Major General Jay R. Cumigad, Director for Plans ng PNP at Chairperson ng 15th ExCom, ang pagpupulong, katuwang si Brigadier General Dodied Prasetyo Aji ng Indonesian National Police bilang Vice Chairperson. Tinalakay sa pulong ang mahahalagang usaping ihaharap sa Heads of Delegation Discussion Forum, kabilang ang pagpapalakas ng mga memorandum of understanding, pakikipag-ugnayan sa mga international organizations, at mga hakbang upang matugunan ang mga umuusbong na hamon sa seguridad.

Naging sentro rin ng talakayan ang pagpapalawak ng koordinasyon laban sa iba’t ibang anyo ng transnational crimes tulad ng cybercrime, ilegal na droga, human trafficking, online child exploitation, fraud-related offenses, asset recovery, at iba pang organisadong krimen. Sa pamamagitan ng mas pinaigting na information sharing at magkakaugnay na operasyon, layunin ng mga bansang kasapi ng ASEANAPOL na higit pang mapahusay ang kakayahan ng bawat bansa sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan.

Isinasagawa ang 44th ASEANAPOL Conference mula Hulyo 22 hanggang 26, 2026 sa ilalim ng temang “United in Vision: Securing People and Strengthening Collaboration.” Bilang host ng kumperensya, muling ipinamalas ng Philippine National Police ang mahalagang papel nito sa pagsusulong ng regional law enforcement cooperation at pagpapatibay ng kolektibong pagtugon sa mga hamong dulot ng transnational crime at iba pang usaping pangseguridad sa ASEAN.

Sa pamamagitan ng makabuluhang pandaigdigang pagtitipong ito, patuloy na pinagtitibay ng PNP ang pakikipag-ugnayan nito sa mga bansang katuwang upang makabuo ng mas epektibong estratehiya laban sa kriminalidad at mapanatili ang isang ligtas at matatag na bansa, alinsunod sa PNP Focused Agenda at sa adhikaing “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”

Source: PNP-PIO

Leave a Reply