PNP nakapagtala ng 32% pagbaba sa 8 focus crimes sa buwan ng Oktubre

0
563

Nakapagtala ang Philippine National Police (PNP), sa ilalim ng pamumuno ni PGen Jose Melencio C. Nartatez Jr., ng 32 porsiyentong pagbaba sa walong focus crimes noong Oktubre 2026 kumpara sa kaparehong buwan noong nakaraang taon.

Batay sa datos mula sa Crime Information, Reporting and Analysis System (CIRAS), bumaba sa 2,295 ang naitalang insidente ng focus crimes noong Oktubre 2026 mula sa 3,375 noong Oktubre 2025, katumbas ng 1,080 mas kaunting insidente sa buong bansa.

Kabilang sa mga krimeng nakapagtala ng malaking pagbaba ang rape na bumaba ng 54.91 porsiyento, mula 763 ay naging 344; carnapping of motor vehicles na bumaba ng 46.43 porsiyento; at carnapping of motorcycles na bumaba ng 36.41 porsiyento. Bumaba rin ang mga kaso ng physical injury ng 32.68 porsiyento, theft ng 31.68 porsiyento, at robbery ng 12.19 porsiyento.

Mula Hulyo hanggang Oktubre 2026, naitala ang 9,047 focus crime incidents kumpara sa 13,401 noong kaparehong panahon ng 2025, o pagbaba ng 4,354 insidente na katumbas ng 32.49 porsiyento.

 “Ang mahalaga sa atin ay hindi lang kung gaano karami ang ating naitalang accomplishment, kundi kung paano ito nararamdaman ng publiko. Every reduction represents fewer reported incidents and communities that we continue to work hard to protect. We must sustain this momentum and make sure our presence, response, and services reach the people who need them” (Bawat pagbaba sa bilang ng krimen ay nangangahulugan ng mas kaunting naitatalang insidente at mas maraming pamayanang patuloy nating pinagsisikapang pangalagaan. Kailangang mapanatili natin ang positibong takbong ito at matiyak na naaabot ng ating presensya, pagtugon, at mga serbisyo ang mga taong higit na nangangailangan ng mga ito), ani PGen Nartatez.

Tiniyak niyang patuloy na paiigtingin ng PNP ang police visibility, koordinasyon ng mga operating unit, at paggamit ng crime data upang matukoy ang mga lugar na nangangailangan ng agarang pagtugon at karagdagang interbensiyon. Nakabatay ang mga hakbang na ito sa PNP Focused Agenda, partikular sa Enhanced Managing Police Operations (EMPO).

Patuloy na pinaiigting ng PNP ang mga hakbang sa pagpapababa ng krimen at pagpapalakas ng tiwala ng publiko tungo sa mas ligtas na mga pamayanan, alinsunod sa adhikaing “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”

Source: PNP-PIO (https://www.facebook.com/share/p/17Kej2uyvj/)

Leave a Reply