Lagawe PNP, pinaigting ang school safety at kampanya kontra bullying

0
292

Pinaigting ng Lagawe Municipal Police Station ang mga hakbangin upang matiyak ang kaligtasan ng mga mag-aaral at guro sa pamamagitan ng pagsasagawa ng Active Threat Awareness Orientation, Safety Drill, at Anti-Bullying Lecture noong Nobyembre 9, 2026, sa Ponghal Elementary School, Brgy. Ponghal at Pullaan Elementary School, at Brgy. Pullaan, Lagawe, Ifugao. Pinangunahan ito ng mga tauhan ng himpilan sa ilalim ng pamumuno ni PCpt Brenda B. Sumawang, Acting Chief of Police.

Sa isinagawang oryentasyon, binigyan ng kaalaman ang mga guro at mag-aaral tungkol sa pagkilala sa mga posibleng banta at wastong pagtugon sa mga sitwasyong pang-emergency. Sinundan ito ng Active Threat Safety Drill upang maging pamilyar ang mga kalahok sa mga kinakailangang hakbang pangkaligtasan at tamang pamamaraan ng pagkilos sakaling magkaroon ng insidente ng banta sa loob ng paaralan.

Nagsagawa rin ang kapulisan ng Anti-Bullying Lecture upang maipabatid ang masasamang epekto ng bullying at mahikayat ang mga mag-aaral na pairalin ang respeto, disiplina, at malasakit sa kapwa. Binigyang-diin din ang kahalagahan ng pagpigil at agarang pagsumbong sa anumang insidente ng pambu-bully upang mapangalagaan ang kapakanan ng bawat mag-aaral at maiwasan ang paglala ng mga ganitong sitwasyon.

Bahagi ang inisyatibang ito ng patuloy na pagsisikap ng PNP na palakasin ang seguridad sa mga paaralan, pagbutihin ang kahandaan sa panahon ng emergency, at itaguyod ang ligtas, mapayapa, at bullying-free na kapaligiran sa pag-aaral.

Source: Lagawe MPS (https://www.facebook.com/share/p/1JRtJwpzvv/?mibextid=wwXIfr)

Leave a Reply