Agad na rumesponde ang mga tauhan ng Castilla Municipal Police Station (MPS), sa pangunguna ni PMaj Ronaldo M. Sacmar, Chief of Police, matapos makatanggap ng ulat hinggil sa umano’y bomb threat na inilathala sa Facebook page ng San Rafael National High School bandang 1:00 ng hapon noong Nobyembre 9, 2026.
Ayon sa naturang post, may bomb threat umano laban sa paaralan na matatagpuan sa Brgy. San Rafael, Castilla, Sorsogon, dahilan upang agad na magsagawa ng beripikasyon at kaukulang aksyon ang kapulisan.
Agad na nagtungo sa paaralan ang mga tauhan ng Castilla MPS upang magsagawa ng paunang imbestigasyon at masusing pagsusuri sa lugar. Nakipag-ugnayan din ang himpilan sa Sorsogon Provincial Explosives and Canine Unit (PECU) upang magsagawa ng kaukulang inspeksyon at matiyak ang kaligtasan ng mga mag-aaral, guro, at iba pang kawani ng paaralan.
Sa isinagawang beripikasyon, napag-alamang walang katotohanan ang naturang bomb threat at pawang pekeng impormasyon ang naiulat. Patuloy rin ang pakikipag-ugnayan ng kapulisan sa pamunuan ng paaralan upang matiyak ang maayos na pagpapatupad ng mga kinakailangang hakbang pangkaligtasan at mapanatili ang kaayusan sa lugar.
Sa ilalim ng pamumuno ni PCol Darwin S. Miranda, Provincial Director ng Sorsogon Police Provincial Office, pinaalalahanan ang publiko na maging mapanuri, responsable, at maingat sa paggamit ng social media, lalo na sa pagbabahagi ng mga impormasyong may kaugnayan sa seguridad ng publiko.
Binigyang-diin din ng himpilan na hindi dapat gawing biro ang bomb threat dahil maaari itong magdulot ng takot at kaguluhan, bukod pa sa posibleng kaakibat nitong legal na pananagutan. Hinihikayat ng kapulisan ang bawat isa na makipagtulungan sa mga awtoridad at agad na iulat ang anumang kahina-hinalang impormasyon upang mapanatili ang kaligtasan, kapayapaan, at kaayusan sa pamayanan alinsunod sa adhikain ng PNP na “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”
Panulat ni PCpl Doxie Charesse C Casasos
Source: https://www.facebook.com/share/p/1FQgg7TbpD/

