Nagkaisa ang Cagayan Police Provincial Office (Cagayan PPO) at Lokal na Pamahalaan ng Alcala sa pagpapalakas ng mga programa at hakbang laban sa ilegal na droga sa pamamagitan ng Municipal Anti-Drug Abuse Council (MADAC) at Barangay Anti-Drug Abuse Council (BADAC) Meeting na ginanap noong Nobyembre 9, 2026, sa Teresita I. Antonio Gymnasium, Brgy. Centro Norte, Alcala, Cagayan. Dinaluhan ito ng mga kinatawan ng kapulisan, lokal na pamahalaan, Balay Silangan, Department of Social Welfare and Development (DSWD), at iba pang sektor.
Kinatawan ni PCpt Shiela Joy N. Fronda, Chief PIO, si PCol Mardito G. Anguluan, Provincial Director ng Cagayan PPO, sa naturang aktibidad. Tinalakay sa pagpupulong ang mga umiiral na programa at karagdagang hakbang upang higit pang mapalakas ang pagtutulungan ng mga ahensya at komunidad sa pagsugpo sa ilegal na droga.
Bilang bahagi ng pagpapahusay sa komunikasyon at koordinasyon sa pagitan ng mga barangay at kapulisan, namahagi rin ng 52 handheld radio units na nagkakahalaga ng Php93,307 sa mga Barangay Captain at Chief of Tanods. Binigyang-diin ni PCol Anguluan ang kahalagahan ng sama-samang pagkilos upang mapigilan ang paglaganap ng ilegal na droga, matulungan ang mga indibidwal na nalululong dito, at maprotektahan ang mga mamamayan laban sa masasamang epekto nito.
Hinimok din niya ang iba pang munisipalidad sa lalawigan na ipagpatuloy at higit pang paigtingin ang kanilang mga programa kontra ilegal na droga sa pamamagitan ng aktibong pakikipagtulungan sa kapulisan at mga katuwang na sektor. Ang inisyatibang ito ay sumasalamin sa patuloy na pagsusulong ng PNP ng “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman,” tungo sa ligtas, malaya sa ilegal na droga, at maunlad na mga pamayanan.
Source: Cagayan PPO (https://www.facebook.com/share/p/1EjX5qkL3t/?mibextid=wwXIfr)

