PNP, nagbabala sa mga magulang na bantayan ang mga bata sa online games na maaaring manghikayat ng karahasan

0
397

Nagbabala ang Philippine National Police (PNP) sa mga magulang na mas mahigpit na bantayan ang kanilang mga anak laban sa mga online games at digital communities na maaaring maghikayat ng karahasan at iba pang iligal na gawain. Mahalagang magkaroon ng aktibong partisipasyon ang mga magulang upang maprotektahan ang mga kabataan mula sa mga mapanganib na impluwensiya sa internet.

“We have to work together to ensure that our children will not be encouraged to violate the law by committing violence and other illegal activities that some people or groups may ask them to do,” ani PNP Chief PGen Jose Melencio C. Nartatez Jr.

Ang babala ay inilabas matapos matukoy ng PNP Anti-Cybercrime Group (ACG) ang pitong menor de edad sa rehiyon ng Calabarzon na sangkot umano sa online discussions na may kinalaman sa isang planong mass shooting. Ang mga kabataang ito—limang lalaki at dalawang babae—ay agad na isinailalim sa pangangalaga ng mga social worker noong Pebrero 2 matapos ang halos dalawang linggong monitoring ng pulisya sa kanilang aktibidad sa social media.

Ayon sa ulat ng ACG, ang mga kabataan ay nagbabahagi umano ng mga larawan at video ng mga naganap na school shooting sa ibang bansa, at nag-uusap tungkol sa paggamit ng mga improvised weapons tulad ng molotov cocktails, bomba, at maging fire extinguisher upang makapinsala sa iba. May mga ulat din na gumagamit sila ng mga simbolo at mensahe na tumutukoy sa ideolohiya ni Adolf Hitler, bagay na agad na ikinabahala ng mga awtoridad.

Batay sa imbestigasyon, pinaniniwalaang may plano ang grupo na magsagawa ng pag-atake sa kanilang paaralan noong Pebrero 16. Dahil sa maagap na cyber monitoring ng pulisya, napigilan ang posibleng trahedya bago pa man ito mangyari.

Kasunod nito, isinailalim ang mga menor de edad sa psychosocial support, habang ang isa sa kanila ay inirefer sa National Center for Mental Health para sa karagdagang pagsusuri at tulong. Ang kanilang mga electronic device ay sumailalim din sa digital forensic examination.

Binigyang-diin ni PGen Nartatez Jr. na mahalaga ang pakikipagtulungan ng mga magulang at komunidad upang maiwasan ang pagkalat ng ganitong uri ng impluwensiya sa kabataan. Ayon sa kanya, nakita na ang ganitong uri ng insidente sa ibang bansa kaya’t nagsasagawa na ng mga hakbang ang pulisya upang matiyak na hindi ito mauulit o lalaganap sa Pilipinas.

“Let us be ‘digital guardians.’ Let us not leave our children alone to talk to people on a screen. Know who they play with,” ani PGen Nartatez. Dagdag pa niya, “Gaming is a social space. If you wouldn’t let a stranger into your house, don’t let them into your child’s headset or chatbox.”

Inatasan din ng PNP Chief ang Anti-Cybercrime Group na paigtingin ang pagbabantay sa mga online gaming community at chat platform kung saan maaaring lapitan ng mga extremist recruiter ang mga menor de edad. Kabilang sa hakbang ang pakikipag-ugnayan sa mga developer ng gaming platforms upang agad na maalis o ma-suspend ang mga account na may kahina-hinalang aktibidad.

Samantala, sinabi ni Executive Director Benjamin Acorda Jr. ng Presidential Anti-Organized Crime Commission na nakikipag-ugnayan sila sa ACG upang masubaybayan kung may mas malawak na koneksyon ang ganitong uri ng aktibidad sa mga organisadong kriminal na grupo.

Sa huli, hinikayat ng PNP ang mga magulang na bantayan ang kanilang mga anak at tiyaking ligtas ang kanilang online activities upang maprotektahan sila laban sa mga banta ng karahasan at panlilinlang.