Agad na rumesponde ang mga tauhan ng Revitalized Police sa Barangay (R-PSB) Team sa Tubo, Abra matapos ang isang aksidenteng pagkahulog na naganap habang isinasagawa ang demolisyon ng bubong sa Dilong Seventh Day Adventist Elementary School noong Marso 15, 2026, bandang 9:10 ng umaga.
Ang nasabing grupo ay binubuo ng mga tauhan mula sa Tubo Municipal Police Station na pinangunahan ni Police Executive Master Sergeant Froilan W. Wagayen, katuwang ang mga tauhan ng 2nd Abra Provincial Mobile Force Company na pinangunahan ni Police Staff Sergeant Marvin C. Ciervo.
Kaagad na tinulungan ng mga pulis ang dalawang nasugatang indibidwal at dinala sa Dilong Barangay Health Station upang mabigyan ng paunang lunas. Dahil hindi kayang isakay ng iisang ambulansya ang parehong biktima, nagboluntaryo ang mga tauhan ng R-PSB na magmaneho ng pribadong sasakyan upang sabay na madala ang mga sugatan patungo sa Ilocos Sur District Hospital Bessang Pass sa Cervantes para sa karagdagang gamutan.
Kalaunan, ang isa sa mga biktima ay inilipat pa sa Luis Hora Memorial Regional Hospital upang mabigyan ng mas masusing medikal na paggamot.
Ipinakita ng mabilis at maagap na pagkilos ng mga pulis ang tunay na diwa ng serbisyo publiko ng pambansang pulisya, na patuloy na nagsisikap na mapangalagaan ang kaligtasan at kapakanan ng komunidad.
Source: PNP Abra Tubo



