Anim na indibidwal ang inaresto ng mga operatiba ng Iloilo Maritime Police Station (MARPSTA) sa isinagawang magkakahiwalay na Seaborne Patrol Operations sa karagatan ng Carles, Iloilo noong Hulyo 16, 2026, dahil sa hinihinalang iligal na pangingisda.
Sa unang operasyon, naharang ang FBCA “JK MARVIE”, habang sa ikalawang operasyon, naaresto naman ang mga sakay ng FBCA “LIANNE GRACE”. Kapwa nahuling aktwal na gumagamit ng active fishing gear o “trawl” ang nasabing mga indibidwal sa loob ng municipal waters at nabigong magpakita ng kaukulang permit o lisensya.
Nasamsam sa dalawang operasyon ang dalawang fishing boat, mga gamit sa pangingisda, at iba’t ibang uri ng isda, na may kabuuang tinatayang halaga na PhP723,000.00.
Dinala ang mga naarestong indibidwal at ang mga nasamsam na ebidensya sa Estancia Maritime Law Enforcement Team para sa kaukulang dokumentasyon at pagsasampa ng kasong paglabag sa Sections 86 o “Unauthorized Fishing” at 95 o “Use of Active Fishing Gear” ng Republic Act No. 10654.
Alinsunod sa bisyon ng “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong mabilis, tapat, at nararamdaman,” papaigtingin pa ng PNP-MG ang kanilang pagpapatrolya upang masiguro na maiwasan ang parehong ilegal na aktibidad at mapangalagaan pa ang yamang dagat ng nasabing lokalidad.



