Bilang simbolo ng paglilingkod na may malasakit at serbisyong may puso, nagsagawa ang mga tauhan ng Libon Municipal Police Station ng humanitarian outreach activity noong Hulyo 16, 2026 para sa isang pamilyang nasunugan sa Barangay Linao, Libon, Albay.
Sa nasabing aktibidad, nagkaloob ang Libon MPS sa pamumuno ni PMaj Christian I Brual, Acting Chief of Police, ng mga food packs, mga pre-loved na damit, at tulong pinansyal sa pamilyang nawalan ng kanilang tahanan at mga ari-arian dulot ng sunog. Ang nasabing aktibidad ay isinagawa upang makatulong sa agarang pangangailangan ng pamilyang naapektuhan at magbigay ng pag-asa habang sila ay nagsisimulang muling bumangon.
“Higit pa sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan, tungkulin din nating maghatid ng malasakit at agarang tulong sa ating mga kababayan sa panahon ng pangangailangan. Ang simpleng tulong na ito ay sumasalamin sa ating diwa ng pagkakaisa at tunay na serbisyo publiko,” pahayag pa ni PMaj Brual.
Sa inisyatiba ng Municipal Community Affairs and Development Section, sila ay nag-ambag-ambag at nagdala ng mga damit upang ibigay sa mga nasunugan.
Ang gawaing ito ay alinsunod sa layunin ng Safer Cities and Safer Communities Program ng Philippine National Police na isulong ang makatao at responsableng paglilingkod at higit pang pagtibayin ang ugnayan ng kapulisan at ng komunidad. Ito ay nakahanay din sa programang “Kasurog Narito Kami” ni PBGen Erosito N Miranda, Regional Director ng Police Regional Office 5 na kahit saan mang dako ng rehiyon magtungo, may Pulis Kasurog na laging aalalay sa inyo.
Kasunod nito, nanawagan din ang Albay Kasurog Cops sa mga may mabubuting kalooban na magpaabot ng kanilang tulong at suporta sa pagbangon ng mga apektado ng sunog.



