Bilang tugon sa patuloy na aktibidad ng Bulkang Mayon na nananatili sa Alert Level 3, tiniyak ng Legazpi City Police Station ang pagpapatupad ng mahigpit na seguridad at tuloy-tuloy na pagbabantay sa mga Border Control Point sa Barangay Buyoan at Barangay Mabinit.
Layunin ng operasyong ito na mahigpit na ipatupad ang 6-kilometrong Permanent Danger Zone (PDZ), tiyakin ang maayos na regulasyon sa paggalaw ng mga tao at sasakyan, pigilan ang pagpasok sa mga ipinagbabawal na lugar, at mapangalagaan ang kaligtasan at seguridad ng mga residente, motorista, at iba pang mamamayang maaaring maapektuhan ng patuloy na aktibidad ng bulkan.
Sa pakikipag-ugnayan sa mga katuwang na ahensya, nananatiling nakaalerto at handa ang Legazpi City Police Station sa pagpapatupad ng mga hakbang para sa disaster response at public safety.
Alinsunod sa adbokasiya ng “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat at Nararamdaman,” nanawagan ang pulisya sa publiko na manatiling naka-alerto at iwasang pumunta sa Permanent Danger Zone ng bulkan upang maiwasan ang anumang trahedya o insidente bunsod ng nagpapatuloy na aktibidad ng Bulkang Mayon.



