Matagumpay na napanatili ng Philippine National Police (PNP) ang kaayusan at seguridad sa mga aktibidad kaugnay ng ika-54 anibersaryo ng deklarasyon ng Martial Law, noong Setyembre 21, 2026, habang iginagalang ang karapatan ng publiko na magsagawa ng mapayapang pagtitipon.
Sa ilalim ng pamumuno ni PNP Chief PGen Jose Melencio C Nartatez Jr., minonitor ng mga police unit sa iba’t ibang panig ng bansa ang mga pagtitipon at nagbigay ng security support sa mga lugar na pinagdarausan ng mga aktibidad. Sa National Capital Region (NCR), 14 na rally at assembly ang minonitor na tinatayang nilahukan ng 1,620 katao, habang mapayapa ring isinagawa ang mga katulad na aktibidad sa iba pang rehiyon.
Pinanatili ng PNP ang angkop na police presence at maximum tolerance upang makatulong sa maayos na daloy ng mga pagtitipon, matiyak ang kaligtasan ng publiko, at matugunan ang mga safety concerns habang nagpapatuloy ang mga aktibidad.
“Our responsibility is to keep the situation peaceful while making sure people’s rights are respected. We recognize that peaceful assembly is part of a democratic society. Ang mahalaga, napangasiwaan natin ang mga pagtitipon nang maayos, may paggalang sa karapatan ng bawat isa, at may malasakit sa kaligtasan ng publiko” (Tungkulin natin na mapanatiling mapayapa ang sitwasyon habang tinitiyak na iginagalang ang mga karapatan ng bawat isa. Kinikilala natin na ang mapayapang pagtitipon ay bahagi ng isang demokratikong lipunan. Ang mahalaga, napangasiwaan natin nang maayos ang mga pagtitipon, may paggalang sa karapatan ng bawat isa, at may malasakit sa kaligtasan ng publiko), pahayag ni PGen Nartatez.
Pinuri rin ng PNP Chief ang mga personnel na itinalaga sa mga aktibidad dahil sa kanilang dedikasyon sa pagtupad ng tungkulin. Aniya, “Alam kong hindi madali ang inyong tungkulin sa ganitong mga pagkakataon, kaya kinikilala ko ang inyong sakripisyo at dedikasyon. Saludo ako sa inyong serbisyo at sa paraan ninyo ng pagtupad sa trabaho nang may respeto sa ating mga kababayan.”
Ang mga hakbang ng PNP ay isinagawa alinsunod sa PNP Focused Agenda, partikular sa Enhanced Managing Police Operations (EMPO), na nagtataguyod ng propesyonal at maagap na serbisyo sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan, at sa adbokasiya nitong “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”
Source: PNP-PIO (https://www.facebook.com/share/p/1CokHUWN3v/)

