Mabilis na sumaklolo ang mga tauhan ng Boliney Municipal Police Station (MPS) matapos makatanggap ng tawag tungkol sa isang senior citizen na nakakaranas ng hirap sa paghinga sa Sitio Sabangan, Amti, Boliney, Abra noong Setyembre 20, 2026.
Sa pangunguna ni Police Lieutenant Cesario A Alvarez, Acting Chief of Police, walang pag-aatubiling naghandog ng transportasyon sina PSMS John M Forawit at PMSG Wansi Ya-o upang agad maihatid ang pasyente sa Boliney Regional Health Unit (RHU). Kasabay nito, nakipag-ugnayan ang mga pulis sa mga tauhan ng RHU na agad nagtungo sa lugar upang mabigyan ng kinakailangang medical assistance ang pasyente.
Ipinakita ng mabilis na pagtugon ng Boliney MPS ang kahandaan at dedikasyon ng mga tauhan ng PNP na tumulong at magbigay ng agarang serbisyo sa komunidad, lalo na sa panahon ng emergency.
Ang insidente ay isa lamang sa mga nagpapakita ng kahalagahan ng matibay na ugnayan at koordinasyon sa pagitan ng pulisya, mga health responder, at komunidad sa pagtugon sa mga emergency, alinsunod sa patuloy na pagsusulong sa adbokasiya ng PNP na “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”
Source: PNP Boliney, Abra

