PNP-Maritime Group, nagsagawa ng seaborne patrol operations sa Cavite laban sa ilegal na pangingisda

0
432

Nagsagawa ng magkakasunod na Seaborne Patrol Operations ang mga tauhan ng Noveleta Maritime Law Enforcement Team (MLET), katuwang ang Cavite Maritime Police Station (MARPSTA) at Bantay Dalampasigan ng Cavite City.

Nagsagawa ng seaborne patrol operations ang Noveleta MLET bilang lead unit bilang tugon sa Information Report mula sa Coastal Barangay Information Network (CBIN) hinggil sa umano’y iligal na pangingisda sa karagatan ng Cavite City bandang 9:30 ng umaga ng Pebrero 21, 2026.

Sa layong humigit-kumulang 2.22 kilometro mula sa baybayin ng Sangley Point, na-intercept ang fishing banca na may markang “FBca PRINCESS JELYN M” habang gumagamit ng trawl o active fishing gear. Inaresto sina Alyas “Ale”, alyas “Vil” at alyas “Laqui”. Nasamsam ang bangka na tinatayang 5.86 gross tonnage na nagkakahalaga na humigit kumulang Php260,000.

Bandang 10:00 AM, sa parehong araw, muling nakapagsagawa ng operasyon sa karagatan ng Cavite City. Sa layong 3.80 kilometro mula sa baybayin, na-intercept ang fishing banca na may markang “FBca WILMA RENCY 2” gamit ang ipinagbabawal na trawl. Naaresto sina alyas “Ja”, alyas “Ros” at alyas “Rod”. Nasamsam ang bangka (6.69 gross tonnage) at mga kagamitan na may halagang Php260,000.

Noong Pebrero 22, 2026 bandang 4:30 ng hapon, muling nagsagawa ng seaborne patrol ang Noveleta MLET at Cavite MARPSTA. Sa layong 811.97 metro mula sa baybayin ng Sangley Point, namataan ang fishing banca na may markang “FBCA MINALYN 2” na gumagamit ng trawl. Inaresto sina alyas “Lou”, alyas “Dam” at alyas “Del”. Nasamsam ang bangka (5.59 gross tonnage) at mga lambat at paraphernalia na may halagang Php290,000.

Ang lahat ng na-arestong indibidwal at mga nasamsam na ebidensya ay dinala sa Cavite MARPSTA para sa dokumentasyon at pagsasampa ng kaukulang kaso sa hukuman para sa paglabag sa Section 95 ng Republic Act 10654 o paggamit ng active fishing gear.

Mahigpit na pinaaalalahanan ng PNP-Maritime Group ang lahat ng mangingisda na sumunod sa umiiral na batas upang mapangalagaan ang yamang-dagat at masiguro ang pangmatagalang kabuhayan ng mga lehitimong mangingisda.