Tuluyan nang bumagsak sa kamay ng mga awtoridad ang isang puganteng tinaguriang Top 6 Most Wanted Person (Regional Level) matapos itong makorner ng PNP-Maritime Group sa Baseco Port Area, Tondo, Maynila noong Abril 19, 2026.
Kinilala ang naarestong suspek na may alyas na “JC”, na nasakote sa pinagsanib na puwersa ng kapulisan sa pangunguna ng Northern NCR MARPSTA.
Inaresto ang suspek sa bisa ng warrant of arrest dahil sa patung-patong na kasong Kidnapping at Serious Illegal Detention sa ilalim ng Article 267 ng Revised Penal Code, kung saan walang inirekomendang piyansa ang korte para sa kanyang pansamantalang kalayaan.
Naging matagumpay ang operasyon sa pamamagitan ng direktang koordinasyon at pagtutulungan ng Northern NCR MARPSTA (sa ilalim ng Regional Maritime Unit NCR) at ng iba pang yunit kabilang ang QCDIT-RIUNCR, PIT Bulacan, RIU3, PS11 (Galas), DID-QCPD, pati na ang Warrant and Subpoena Section ng Pasay CPS.
Agad namang dinala si alyas “JC” sa himpilan ng Northern NCR MARPSTA para sa tamang dokumentasyon at disposisyon bago iharap sa husgado.
Para kay PBGEN Lou F. Evangelista, Director ng PNP-MG, ang pagkakadakip sa suspek ay malinaw na mensahe sa mga nagtatago sa batas.
Ang walang-patid na information operation at pagtugis sa mga kriminal, partikular sa mga baybaying lugar at pantalan ng bansa, ay direktang isinasagawa ng PNP upang sugpuin ang mga sindikato at anumang uri ng krimen.
Ginagawa ito ng PNP bilang bahagi ng kanilang agresibong hakbang para isulong ang “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas,” isang kampanyang naglalayong maghatid ng mabilis at tapat na serbisyo upang matiyak ang kaligtasan at kapanatagan ng bawat mamamayang Pilipino.
Panulat ni Azi J. Demorito, BS CRIM from Philippine College of Criminology



