Arestado ang anim na indibidwal na sangkot umano sa pag-aalok ng ilegal at hindi lisensyadong mga dental services online, sa magkakahiwalay na entrapment operations na isinagawa ng Philippine National Police (PNP) mula Abril 7 hanggang 11, 2026 sa Ormoc City, Catanduanes, Iloilo City, at Zamboanga City.
Bahagi ang operasyon sa pangkalahatang kampanya ng PNP Focused Agenda, partikular na ang pagsugpo sa mga mapanlinlang sa cyberspace at pagprotekta sa kalusugan ng publiko laban sa panganib na maidudulot ng ilegal na mga serbisyo.
Nanguna sa isinagawang operasyon ang Ormoc City Cyber Response Team na siyang nakapag-aresto sa tatlong suspek na kinilala sa alyas na “Debbie,” “Sara,” at “Jamal.”
Samantala, naaresto rin ang iba pang mga suspek sa Catanduanes, Iloilo City, at Zamboanga City sa pamamagitan naman ng cyber surveillance, online monitoring, at koordinasyon sa iba’t ibang yunit ng pulisya.
Nagpatupad ang PNP ng iba’t ibang entrapment strategies upang mahuli sa akto ang mga suspek na nag-aalok ng kanilang serbisyo online. Nahaharap sa ngayon ang mga naaresto sa kasong paglabag sa Republic Act 9484 (Philippine Dental Act of 2007) kaugnay ng Republic Act 10175 (Cybercrime Prevention Act of 2012).
Ipinapakita ng operasyong ito ang patuloy na information operation ng PNP, kung saan pinaalalahanan ng pulisya ang publiko na maging mapanuri sa mga serbisyong iniaalok online, lalo na kung ito ay may kinalaman sa kalusugan. Hinikayat din ng PNP ang mamamayan na agad i-report sa kanilang himpilan ang anumang kahina-hinalang aktibidad upang agad na maagapan.
Ang ganitong mga kampanya ay ipinapatupad ng PNP upang maprotektahan ang buong komunidad laban sa cyber-enabled fraud, mapanatili ang kaligtasan ng publiko, at mapalakas ang tiwala ng mamamayan sa kapulisan bilang tagapagtaguyod ng kaayusan at seguridad, mapa-pisikal man o sa digital space.
Panulat ni Mark James Gagasa, BS CRIM from Jose Rizal University



