Kinumpirma ng Philippine National Police (PNP) sa ilalim ng pamununo ni Police General Jose Melencio C Nartatez Jr., ang pagkakakumpiska ng isang baril mula sa isang Grade 9 student sa Pinamungajan, Cebu nito lamang August 20, 2026.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon, ang naturang baril ay nadiskubre sa loob ng bag ng nasabing estudyante sa isinagawang bag inspection ng paaralan. Agad umanong nakipag-ugnayan sa pulisya ang pamunuan ng paaralan upang aksyunan ito. Dito narekober ang baril na walang bala at kasalukuyan itong nasa kustodiya ng pulisya para sa tamang disposisyon.
Ayon sa PNP, pinaniniwalaang pagmamay-ari umano ang baril ng lolo ng nasabing menor de edad. Patuloy namang biniberipika ng pulisya ang tunay na nagmamay-ari ng nasabing baril, maging ang posibleng pananagutan nito sa batas.
“In accordance with Republic Act No. 9344, or the Juvenile Justice and Welfare Act, the minor was turned over to the Municipal Social Welfare and Development Office for appropriate intervention. The child’s guardian and concerned barangay officials were likewise coordinated with” (Ayon sa Republic Act No. 9344, o ang Juvenile Justice and Welfare Act, isinailalim ang menor de edad sa pangangalaga ng Municipal Social Welfare and Development Office para sa kaukulang interbensyon. Nakipag-ugnayan din ang mga awtoridad sa magulang o tagapag-alaga ng bata at sa mga kinauukulang opisyal ng barangay), pahayag pa ng himpilan.
“The PNP appreciates the vigilance of the school personnel and their prompt coordination with authorities, which helped ensure that the matter was immediately addressed. The PNP reminds parents, guardians, and firearm custodians to keep firearms properly secured and inaccessible to children and unauthorized persons. Schools and communities are likewise encouraged to promptly coordinate with authorities whenever safety concerns arise” (Pinahahalagahan ng PNP ang pagiging mapagmatyag ng mga kawani ng paaralan at ang kanilang agarang pakikipag-ugnayan sa mga awtoridad, na nakatulong upang agad na matugunan ang insidente. Paalala ng PNP sa mga magulang, tagapag-alaga, at tagapangalaga ng baril na tiyaking maayos na nakatago at hindi maaabot ng mga bata at mga hindi awtorisadong tao ang mga baril. Hinihikayat din ang mga paaralan at komunidad na agad na makipag-ugnayan sa mga awtoridad sakaling may mga alalahanin hinggil sa kaligtasan), dagdag pa ng PNP.
Tiniyak naman ng PNP na patuloy silang nakikipagtulungan sa mga paaralan, pamilya at nga komunidad upang matiyak ang kaligtasan ng publiko, partikular na ang mga kabataan, sa kani-kanilang paaralan alinsunod sa adbokasiya ng “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong mabilis, tapat, at nararamdaman.”
Source: PIOhttps://www.facebook.com/share/p/1FYpvkXkon/?mibextid=wwXIfr



