Agad kumilos si Police Regional Office 3 (PRO3) Regional Director PBGen Jess B. Mendez matapos matagpuang walang buhay ang isang ina at dalawa nitong menor de edad na anak sa loob ng kanilang sasakyan sa Bulacan noong hapon ng Agosto 20, 2026.
Personal na nagtungo si PBGen Mendez sa crime scene upang siyasatin ang lugar at alamin ang mga paunang detalye ng insidente. Kasunod nito, agad siyang nagpatawag ng case conference at iniutos sa mga imbestigador ang masusing pagsusuri sa lahat ng pangyayari at nakalap na ebidensiya.
Sinusuri ng PRO3 ang lahat ng posibleng anggulo upang matukoy ang tunay na nangyari at malaman kung may sangkot na kriminalidad sa insidente. Tinitiyak ng mga imbestigador na walang detalyeng mapalalampas upang maitatag ang katotohanan at matukoy ang sinumang mapatutunayang responsable, alinsunod sa batas.
Ipinakikita ng agarang pagtugon ni PBGen Mendez ang determinasyon ng PRO3 na protektahan ang buhay at seguridad ng publiko at tiyaking seryoso at maagap na natutugunan ang mga insidenteng may kinalaman sa krimen, kaakibat ang paninindigan ng PNP sa “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”
Source: PRO 3 (https://www.facebook.com/share/v/1Aw3tJviny/?mibextid=wwXIfr)



