Matagumpay na isinagawa ng Regional Mobile Force Battalion 15 (RMFB 15), 1505th Maneuver Company, ang “Panag-Aywan iti Kailyan” (Pagmamahal/Pagmamalasakit sa kababayan/Kapwa) program na isinabay sa gift-giving activity at information drive sa Katablangan Integrated School, Upper Katablangan, Conner, Apayao, noong Agosto 20, 2026.
Nagsimula ang aktibidad sa isang informative session na pinangunahan ng Regional Health Unit-Apayao, na nakatuon sa kalusugan at nutrisyon, pag-iwas sa teenage pregnancy, at wastong personal hygiene. Layunin nitong madagdagan ang kaalaman ng mga mag-aaral at mahikayat silang pangalagaan ang kanilang kalusugan at kapakanan.
Kasunod nito ang pamamahagi ng school supplies gaya ng notebooks, ballpen, coloring materials, tumblers, at school bags na ipinagkaloob ng mga stakeholders. Samantala, ang mga gamot at iba pang medical supplies mula sa Conner Regional Health Unit ay itinurn over sa mga guro para sa maayos at wastong pamamahagi sa mga nangangailangan.
Isinagawa rin ang information drive para sa mga mag-aaral sa Junior High School hinggil sa anti-illegal drugs, partikular sa Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, at Republic Act No. 11479 o Anti-Terrorism Act of 2020. Binigyang-diin dito ang masasamang epekto ng paggamit ng ipinagbabawal na gamot at ang panganib ng pagkakasangkot sa mga aktibidad na maaaring magbanta sa kapayapaan at seguridad ng komunidad.
Nagtapos ang programa sa Information, Education, and Communication (IEC) activity na sinundan ng “Sulat Kamay” campaign. Sa naturang aktibidad, ipinahayag ng mga mag-aaral ang kanilang suporta sa kampanyang “No to Terrorism and Youth Exploitation” sa pamamagitan ng kanilang mga lagda. Namahagi rin ng school uniforms para sa mga mag-aaral ng Junior High School.
Layunin ng aktibidad na palakasin ang ugnayan at pagkakaisa ng iba’t ibang sektor ng lipunan, maghatid ng tulong sa komunidad, at mapalawak ang kaalaman ng mga kabataan na kabilang sa vulnerable sector. Bahagi rin ito ng patuloy na pagsisikap ng PNP at mga katuwang nitong sektor na isulong ang kapayapaan, pagkakaisa, at ligtas na pamayanan, alinsunod sa adbokasiya ng PNP na “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”
Source: PNP 1505th MC, RMFB 15 Page



