Dalawang araw bago ang pagbubukas ng 44th ASEAN Chiefs of National Police (ASEANAPOL) Conference sa Hulyo 22, 2026, muling tiniyak ng Philippine National Police (PNP) ang kahandaan nito sa pagho-host ng isa sa pinakamahalagang pagtitipon ng mga pinuno ng pulisya sa Timog-Silangang Asya. Gaganapin ang limang araw na conference mula Hulyo 22 hanggang 26, na may temang “United in Vision: Securing People and Strengthening Collaboration.”
Ayon sa PNP, nasa huling yugto na ang lahat ng paghahanda para sa nasabing kumperensya. Halos kumpleto na ang mga administrative requirements, natapos na ang mga final rehearsal, at naisagawa na ang koordinasyon sa seguridad, komunikasyon, transportasyon, at venue management upang matiyak ang maayos, ligtas, at matagumpay na pagdaraos ng pandaigdigang pagtitipon.
Sa pinakahuling tala, umabot na sa 186 delegado mula sa ASEANAPOL Secretariat, mga bansang kasapi ng ASEAN, Dialogue Partners, at Observer Organizations ang nagkumpirma ng kanilang pagdalo. Bilang suporta sa pagho-host ng bansa, nagtalaga ang PNP ng 1,559 na tauhan mula sa iba’t ibang National Support Units, katuwang ang iba pang ahensya ng pamahalaan. Nakahanda rin ang 282 mobility assets at 3,765 communications at ICT equipment upang matiyak ang episyente at tuloy-tuloy na koordinasyon sa buong kumperensya.
Binigyang-diin ni PNP Chief Police General Jose Melencio C. Nartatez Jr. na ganap nang handa ang organisasyon na tiyakin ang kaligtasan ng lahat ng delegado at ang tagumpay ng kumperensya. Aniya, “Handa na ang inyong PNP. Our preparations have been thorough because the safety of every delegate and the success of this conference remain our top priorities. Gusto nating maipakita na ang Pilipinas ay isang maaasahang partner sa pagpapanatili ng kapayapaan at seguridad sa ating rehiyon.”
Dagdag pa ng PNP Chief, “This gathering is more than a conference. It is an opportunity to strengthen trust, improve cooperation, and build lasting partnerships among law enforcement agencies. We will do our part with professionalism, discipline, and genuine Filipino hospitality.”
Patuloy na pinagtitibay ng PNP ang kahandaan nito sa pagpapatupad ng epektibong security management at operational excellence bilang bahagi ng Focused Agenda nito sa Enhanced Managing Police Operations. Sa pamamagitan ng “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman,” nananatiling nakatuon ang PNP sa paghahatid ng ligtas, maayos, at matagumpay na pagdaraos ng 44th ASEANAPOL Conference.
Source: PNP-PIO



