PNP Collaborative Stakeholders’ Forum, matagumpay na isinagawa sa Puerto Princesa

0
834

Sa layuning pagtibayin ang ugnayan ng kapulisan at komunidad para sa mas mabilis at epektibong serbisyo, matagumpay na isinagawa ng Police Station 4 ng Puerto Princesa City Police Office ang isang Collaborative Stakeholders’ Forum noong ika-29 ng Hulyo 2025 sa Conference Room ng PS4 sa Brgy. Macarascas, Puerto Princesa City, Palawan.

Pinangunahan ito ni PCpt Justine Kenneth A. Dalion at dinaluhan ng mga opisyal ng barangay, kinatawan mula sa paaralan, NGOs at iba pang lokal na katuwang. Ang forum ay may temang “Strengthening Community Safety through Unified Action: Advancing PNP Quick Response Strategies with Stakeholders’ Collaboration.”

Tampok sa programa ang talakayan ukol sa mabilisang pagtugon ng kapulisan sa mga insidente at kung paanong ang pagtutulungan ng mga stakeholder ay susi sa tagumpay ng mga programa ng PNP.

Isa sa mga panauhing tagapagsalita si Deputy Mayor Richard P. Ferrer para sa Northwest barangays, na nagbigay-diin sa kahalagahan ng suporta mula sa pamahalaang lokal at aktibong pakikiisa ng mga mamamayan. Aniya, ang pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan ay hindi lamang responsibilidad ng pulisya kundi ng bawat isa sa komunidad. Itinampok rin si Mr. Norberto P. Dormitorio, Administrative Assistant III ng CDRRMO, na nagbigay kaalaman ukol sa disaster risk awareness at kahandaan sa panahon ng kalamidad.

Aktibong nakibahagi sa talakayan ang siyam na Punong Barangay at mga kinatawan ng mga paaralan at NGO mula sa sakop ng PS4. Sa open forum, ibinahagi ng mga kalahok ang kanilang mga mungkahi at pananaw ukol sa pagpapabuti ng koordinasyon, pagpapalitan ng impormasyon, at mas maayos na mobilisasyon ng komunidad sa panahon ng emergency.

Isa sa mga mahalagang bahagi ng pagtitipon ang Pledge of Commitment Signing, na sumasalamin sa pagkakaisa at paninindigan ng lahat ng sektor sa pagtugon sa hamon ng seguridad. Ipinahayag dito ang suporta sa adbokasiya ng PNP, partikular sa 5-Minute Response Time Strategy, na layuning magbigay ng agarang serbisyo sa bawat mamamayan.

Nagpasalamat si PCpt Dalion sa lahat ng lumahok sa forum at binigyang-diin ang kahalagahan ng pagtitipon bilang matibay na hakbang tungo sa pagbubuo ng tiwala at matatag na ugnayan sa pagitan ng kapulisan at komunidad. Hinikayat niya ang bawat isa na manatiling aktibo, mapagmatyag, at bukas sa pakikipagtulungan para sa mas ligtas na Puerto Princesa.

Source: PPCPO Police Station 4

Panulat ni Patrolwoman Desiree Padilla