Bilang bahagi ng pagdiriwang ng ika-30th Police Community Relations Month, matagumpay na isinagawa ng Cebu City Police Office ang “Serbisyong Tinabangay” Serbisyo Caravan nitong Hulyo 29, 2025 sa Robinsons Galleria Cebu.
Pinangunahan ang makabuluhang aktibidad ni Police Lieutenant Colonel Maria Theresa T. Macatangay, Deputy City Director for Operations sa ilalim ng pamumuno ni Police Colonel Enrico Evangelista Figueroa, Acting City Director ng CCPO.

Katuwang ng CCPO sa nasabing aktibidad ang iba’t ibang ahensya ng gobyerno at mga kasaping stakeholder mula sa komunidad.


Ilan sa mga ahensyang lumahok sa caravan ay ang PAG-IBIG, PhilHealth, SSS, PSA, NAPOLCOM, BIR, BJMP, Regional Internal Affairs Service 7, Philippine Coast Guard, Armed Forces of the Philippines, at Legal Service Team.
Nag-alok ang mga ahensyang ito ng iba’t ibang serbisyo tulad ng aplikasyon at konsultasyon para sa mga benepisyo ng PAG-IBIG, PhilHealth, at SSS; pagproseso ng mga dokumento mula sa PSA; pagtanggap ng aplikasyon para sa National Police Clearance; libreng legal na konsultasyon; impormasyon at serbisyo mula sa NAPOLCOM at BIR; pet wellness; at libreng gupit para sa mga dumalo.
Mahigit 500 mamamayan at mga mamimili sa mall ang nakinabang sa iba’t ibang serbisyong iniaalok sa caravan.
Ito ay patunay ng dedikasyon ng CCPO na gawing abot-kamay ang serbisyo ng pamahalaan at isulong ang kultura ng pagtutulungan, pagkakaunawaan, at pagtitiwala sa pagitan ng pulisya at ng publiko.
Source: CCPO



