Muling pinagtibay ng Philippine National Police (PNP) at World Citi Colleges (WCC) ang kanilang partnership sa pamamagitan ng paglagda sa Memorandum of Agreement (MOA) at Implementing Rules and Regulations (IRR) noong Agosto 14, 2026, sa PNP Officers’ Star Lounge, Camp BGen Rafael T Crame, Quezon City.
Pinangunahan ang aktibidad ni PNP Chief Police General Jose Melencio C. Nartatez Jr., kasama sina PBGen Jaysen C. De Guzman, Acting Director for Personnel and Records Management (DPRM), at Ms. Mia Monica A. Bernabe, Vice President for Business Development and Operations ng WCC.
Sa ilalim ng renewed agreement, magkakaroon ng mas maraming oportunidad sa edukasyon ang mga kwalipikadong active at retired personnel ng PNP, kanilang mga dependent at extended beneficiaries. Kabilang dito ang scholarship grants at tuition discounts na naglalayong makatulong sa pagpapaunlad ng kaalaman, kasanayan, at kinabukasan ng mga miyembro ng PNP at kanilang pamilya.
Saklaw din ng programa ang mga personnel na may Total Permanent Physical Disability, gayundin ang mga nasawi sa police operations, bilang pagkilala sa kanilang sakripisyo at dedikasyon sa serbisyo. Ipinapakita nito na kasabay ng pagpapaigting ng police operations ay patuloy ding binibigyang prayoridad ng PNP ang kapakanan at kinabukasan ng mga taong nasa likod ng uniporme.
Sa pagpapatuloy ng partnership ng PNP at WCC, higit na napapalakas ang suporta sa mga pulis at kanilang pamilya sa pamamagitan ng edukasyon at iba pang benepisyo. Ang ganitong hakbang ay bahagi ng patuloy na pagsusulong ng isang mas matatag at makataong organisasyon, alinsunod sa adhikain ng PNP na “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”
Source: PNP-PIO (https://www.facebook.com/share/p/1FMiucbKaG/?mibextid=wwXIfr)



