Pinagtibay ng Philippine National Police (PNP) at National University, Incorporated (NU) ang kanilang ugnayan para sa kapakanan ng mga tauhan ng PNP at kanilang mga kuwalipikadong dependent sa pamamagitan ng paglagda sa Memorandum of Agreement (MOA) noong Setyembre 21, 2026, sa Camp BGen Rafael T Crame, Quezon City.
Samantala, si Police Lieutenant General Bernard M. Banac, Deputy Chief, PNP for Administration, ang kumatawan kay PNP Chief PGen Jose Melencio C. Nartatez Jr. sa paglagda ng kasunduan kasama si Dr. Renato Carlos H. Ermita Jr., President at Chief Executive Officer ng NU. Saksi sa seremonya sina Police Major General Jaysen C. De Guzman, Director for Personnel and Records Management, at Mr. Rolando T. Averilla, Senior Vice President for Corporate and International Relations.
Sa ilalim ng kasunduan, makatatanggap ng 20% discount sa tuition at miscellaneous fees ang mga dependent ng aktibong PNP personnel na naka-enroll sa undergraduate programs at Senior High School. Samantala, 100% discount naman ang ipagkakaloob sa mga dependent ng mga PNP personnel na Killed-in-Police Operations (KIPO) at mga Missing-in-Action (MIA), na may isang slot bawat academic year sa bawat NU campus. Bukod dito, makatatanggap ng 12% tuition discount ang mga aktibong PNP personnel na kukuha ng graduate degree.
Bahagi ang partnership na ito ng PNP Focused Agenda, partikular sa Morale and Welfare, na naglalayong palawakin ang mga oportunidad sa edukasyon para sa PNP personnel at kanilang mga pamilya at kilalanin ang mga sakripisyong kaakibat ng kanilang paglilingkod.

