Personal na nagsagawa ng inspeksiyon si National Capital Region Police Office (NCRPO) Regional Director PMGen Anthony A. Aberin sa mga pulis na naka-deploy sa kahabaan ng Commonwealth Avenue at Batasan Complex noong Hulyo 27 upang tiyakin ang kahandaan ng mga puwersang panseguridad para sa pagdaraos ng 2026 State of the Nation Address (SONA).
Sa isinagawang pag-iinspeksiyon, sinuri ni PMGen Aberin ang deployment ng mga tauhan at muling binigyang-diin ang mahigpit na pagpapatupad ng maximum tolerance, disiplina, propesyonalismo, at paggalang sa karapatang pantao sa pagtupad ng kanilang tungkulin. Hinikayat din niya ang mga ito na manatiling mapagmatyag at handang tumugon sa anumang sitwasyong maaaring makaapekto sa kaayusan at seguridad.
Samantala, nananatiling nakaalerto ang mga Civil Disturbance Management (CDM) contingents mula sa iba’t ibang police district, regional support units, kabilang ang Regional Mobile Force Battalion (RMFB) ng NCRPO, sa kani-kanilang itinalagang lugar upang suportahan ang pagpapanatili ng kapayapaan, kaayusan, at kaligtasan ng publiko sa buong panahon ng SONA.
Patuloy namang ipinatutupad ng NCRPO ang komprehensibong security operations sa pamamagitan ng pinaigting na police visibility, koordinadong deployment, at masusing pagmamanman sa mga pangunahing lugar upang matiyak ang maayos na daloy ng mga aktibidad at agarang matugunan ang anumang banta sa seguridad.
Ang mga hakbang na ito ay bahagi ng patuloy na pagpapatupad ng mga direktiba ng Philippine National Police at ng PNP Focused Agenda ni Chief, PNP PGEN Jose Melencio C. Nartatez Jr., na naglalayong matiyak ang isang ligtas, maayos, at mapayapang pagdaraos ng 2026 State of the Nation Address.
Source: Tambayan ng PULIS



