Nilinaw ng Philippine National Police (PNP) na ang mga hindi na-blur na mugshot na kumakalat sa social media kaugnay ng pagkakaaresto sa dalawang suspek sa kaso ng pagkamatay ng isang vlogger ay hindi opisyal na inilabas ng PNP.
Ayon sa PNP, ang mga naturang larawan ay may binagong facial features at petsa, at hindi tumutugma sa opisyal na booking photographs na nasa pangangalaga ng kapulisan. Binigyang-diin din ng PNP na mahigpit nitong sinusunod ang mga umiiral na protocol upang matiyak na ang lahat ng opisyal na impormasyon at materyales na inilalabas ay naaayon sa batas, beripikado, tumpak, at sumusunod sa itinakdang proseso.
Sinabi rin ng PNP na magsasagawa ito ng imbestigasyon upang matukoy kung paano kumalat ang mga binagong larawan at ang kalakip na impormasyon. Kapag napatunayang may paglabag, magsasagawa ng kaukulang administratibo o legal na aksyon alinsunod sa umiiral na mga batas at regulasyon.
Kinilala rin ng PNP ang karapatan ng publiko na mabigyan ng tamang impormasyon at pinasalamatan ang mga mamamayan at media sa kanilang pagiging mapagmatyag. Hinikayat nito ang publiko na umasa lamang sa mga opisyal at beripikadong impormasyon, habang tiniyak na magpapatuloy ang pagbibigay ng nararapat na updates nang hindi isinasakripisyo ang integridad ng imbestigasyon at ang pagsunod sa due process.
Source: PIO



