Arestado ng mga operatiba ng Quezon Provincial Drug Enforcement Unit ang isang High Value Individual sa isinagawang operasyon sa Brgy. Marketview, Lucena City, Quezon Province nitong Miyerkules, Mayo 20, 2026.
Kinilala ni Police Colonel Romulo A. Albacea, Provincial Director ng Quezon Police Provincial Office, ang suspek na si alyas “Isidro,” 51 anyos at residente ng nasabing barangay. Nakumpiska ng pulisya mula sa suspek ang isang knot-tied transparent plastic bag at siyam na heat-sealed plastic sachets na naglalaman ng hinihinalang shabu na may kabuuang timbang na humigit-kumulang 140 gramo at tinatayang nagkakahalaga ng Php952,000.00 batay sa PDEA Standard Drug Price, at may street value na umaabot sa Php2,856,000.00. Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
“Malinaw na hindi natin bibigyan ng puwang ang sinumang patuloy na nagpapakalat ng ilegal na droga sa ating komunidad. Ang tagumpay na ito ay bunga ng masusing koordinasyon at dedikasyon ng ating mga operatiba upang mapanatiling ligtas ang mamamayan ng Quezon,” pahayag ni PCol Albacea.
Patuloy ang kampanya ng Quezon PNP laban sa ilegal na droga na walang idinudulot kundi kaguluhan, karahasan, at kriminalidad na nagiging hadlang sa pagkamit ng “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”



