Php62.2M halaga ng illegal petroleum products, nasamsam ng CIDG sa Batangas

0
74

Nasamsam ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang tinatayang Php62.2 milyong halaga ng ilegal na produktong petrolyo sa isinagawang law enforcement operation sa Barangay Wawa, Batangas City noong Hulyo 9 hanggang Hulyo 10, 2026. Ang operasyon ay nagresulta rin sa pagkakaaresto sa pitong lalaki at pagkakumpiska ng isang tugboat na umano’y ginagamit sa ilegal na kalakalan ng petrolyo.

Isinagawa ang operasyon ng Regional Special Operations Team (RSOT) ng CIDG Regional Field Unit 4A katuwang ang CIDG Batangas Provincial Field Unit at Batangas Maritime Police Station, sa koordinasyon ng Philippine Ports Authority-Batangas at Batangas Police Provincial Office. Nasamsam sa lugar ang humigit-kumulang 32,099 litro ng diesel na ginamit bilang ebidensya laban sa mga suspek na umano’y nagbebenta at nagtitinda ng produktong petrolyo nang walang kaukulang lisensya o awtoridad mula sa Department of Energy (DOE).

Ayon kay CIDG Director PMGen Robert A.A. Morico II, ang naturang operasyon ay bahagi ng pinaigting na kampanya ng CIDG alinsunod sa direktiba ni PNP Chief Police General Jose Melencio C. Nartatez Jr. na sugpuin ang ilegal na kalakalan ng liquefied petroleum products at iba pang paglabag na nakaaapekto sa interes ng publiko. Binigyang-diin niya na ang pagbebenta o pamamahagi ng produktong petrolyo nang walang pahintulot ng mga kinauukulang ahensya ay labag sa Batas Pambansa Blg. 33 na inamyendahan ng Presidential Decree No. 1865.

Nagbabala ang pamunuan ng CIDG na ang mga ilegal na operasyon tulad ng “paihi” system at hindi awtorisadong imbakan ng petrolyo ay nagdudulot ng seryosong banta sa kaligtasan ng mga komunidad dahil sa panganib ng sunog at pagsabog. Maaari rin itong magresulta sa pagkalugi ng mga mamimili at pagkasira ng mga sasakyan dahil sa mga produktong hindi dumaraan sa wastong regulasyon at pamantayan.

Samantala, pinuri naman ni PMGen Morico II ang CIDG Regional Field Unit 4A sa pangunguna ni PCol Ganaban C Ali, CIDG Batangas Provincial Field Unit sa ilalim ni PLtCol Bryan Dexter C. Andulan, at ang mga katuwang na yunit sa matagumpay na operasyon.

Patuloy na paiigtingin ng CIDG, sa pakikipagtulungan sa Department of Energy at iba pang ahensya ng pamahalaan, ang monitoring at enforcement operations laban sa ilegal na kalakalan ng produktong petrolyo. Hinihikayat din ang publiko na maging mapagmatyag at agad iulat ang mga kahina-hinalang gawain bilang pakikiisa sa pagpapanatili ng kapayapaan at seguridad, alinsunod sa adhikaing “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”

Source: PNP-CIDG

Leave a Reply