Nasamsam ang aabot sa 17.62 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng Php119,816.00, isang MK2 hand fragmentation grenade, at iba’t ibang drug paraphernalia sa isinagawang search warrant ng mga awtoridad sa Barangay Tambler, General Santos City noong Hulyo 11, 2026.
Nabatid na isinagawa ang operasyon kaugnay ng paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at Republic Act 9516 na pinangunahan ng mga tauhan ng General Santos City Police Station 5, SWAT CMFC, CIT Gensan-RIU 12, PDEA 12-SarGen, at EOD GenSan.
Napag-alaman na tatlong indibidwal ang naaktuhang gumagamit ng ilegal na droga sa loob ng target na bahay at inaresto ng pulisya.
Binigyang-diin ni Police Brigadier General Alan B. Manibog, Acting Regional Director ng Police Regional Office 12, na mananatiling matatag ang kampanya ng pulisya laban sa ilegal na droga at iba pang banta sa seguridad.
Hindi natin hahayaan na maging pugad ng kriminalidad ang anumang komunidad. Ang bawat matagumpay na operasyon ay patunay ng ating matatag na paninindigan laban sa ilegal na droga at ilegal na armas. Magpapatuloy ang PRO 12 sa pagpapatupad ng batas upang mapanatiling ligtas at mapayapa ang ating mga pamayanan. Ani ni PBGen Manibog.



