Tinatayang Php6.49 milyong halaga ng hinihinalang smuggled na sigarilyo ang nasabat ng Police Regional Office 10 at naaresto ang dalawang indibidwal sa isinagawang checkpoint operation sa Tangub City, Misamis Occidental bandang 3:10 ng madaling-araw noong Oktubre 20, 2026.
Ayon kay PBGen Nestor C Babagay Jr., Regional Director ng Police Regional Office 10, nasabat ng mga tauhan ng Tangub City Police Station, 2nd Misamis Occidental Provincial Mobile Force Company, at Misamis Occidental Provincial Intelligence Unit mula sa isang Mitsubishi wing van truck na bumibiyahe mula Zamboanga Sibugay patungong Bulacan ang mga hinihinalang smuggled na sigarilyo.
Sa naturang inspeksyon, hindi naipakita ng driver ang kinakailangang dokumento para sa naturang kargamento at natuklasan ang 8,116 ream ng Modern brand ng hinihinalang smuggled na sigarilyo na nagkakahalaga ng Php6,492,800.
Kinilala ang mga naaresto na sina alyas “Jun”, 33 anyos, driver, at alyas “Jef”, 26 anyos, truck helper.
Ayon kay PBGen Babagay, patuloy na paiigtingin ng kapulisan ang intelligence-driven operations upang pigilan ang smuggling at iba pang ilegal na gawain sa rehiyon.
Pinagtitibay ng operasyong ito ang paninindigan ng PRO10 na hindi gagawing daanan ng ilegal na kalakalan ang Northern Mindanao, alinsunod sa adhikain ng PNP na “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.

