Arestado ng mga tauhan ng Police Regional Office 6 (PRO6) ang dalawang suspek at nakumpiska ang humigit-kumulang 550 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng Php3,740,000 sa isang intelligence-driven buy-bust operation sa Brgy. Balabag, Pavia, Iloilo, dakong 2:42 ng madaling-araw noong Oktubre 20, 2026.
Kinilala ang mga naaresto sa mga alyas na “Bong,” 42 anyos, residente ng Mandurriao, Iloilo City, at “Barkley,” 33 anyos, residente ng Alimodian, Iloilo. Samantala, nakatakas ang kanilang kasamahan na si alyas “Prince,” 40 anyos, residente ng Pavia, Iloilo.
Naaresto sina “Bong” at “Barkley” matapos umanong magbenta ng isang heat-sealed plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu sa isang pulis na nagpanggap na buyer. Bukod sa sachet na ginamit sa transaksiyon, nakumpiska din ang walong karagdagang sachets at tatlong knot-tied plastic bags na pawang naglalaman ng hinihinalang shabu, buy-bust money, apat na Android cellular phone, at isang itim na sling bag.
Pinangunahan ng Regional Police Drug Enforcement Unit 6 ang operasyon, katuwang ang Regional Intelligence Division 6, Regional Intelligence Unit 6, Philippine Drug Enforcement Group – Special Operations Unit 6, at Pavia Municipal Police Station.
Sinabi ni PBGen Randulf T Tuaño, Regional Director ng PRO6, na ang matagumpay na operasyon ay bunga ng masusing intelligence work, koordinasyon ng mga yunit ng kapulisan, at pakikipagtulungan ng komunidad.
“Hindi nasusukat sa dami ng operasyon lamang ang ating tagumpay, kundi sa kakayahan nating matukoy ang mga target, makumpiska ang malalaking bulto ng ilegal na droga, at maputol ang suplay nito bago pa makarating sa ating mga komunidad. Hindi tayo titigil sa dalawang naaresto, tutugisin din natin ang nakatakas at pananagutin ang lahat ng mapatutunayang sangkot sa ilegal na kalakalan ng droga,” ani PBGen Tuaño.
Source: PNP-RPIO6

