Nasabat ang tinatayang Php5.3 milyong halaga ng cocaine mula sa isang High Value Individual sa isinagawang joint buy-bust operation ng mga awtoridad sa Barangay Taggat Sur, Claveria, Cagayan, dakong alas-11:30 ng umaga ng Setyembre 9, 2025.
Kinilala ni Police Captain Armando A Tolentino Jr, Officer-In-Charge ng Claveria Police Station, ang suspek na si alyas alyas “Bong” na isang High Value Individual, 43 taong gulang, may asawa, mangingisda, at residente ng nasabing bayan.
Ayon kay PCpt Tolentino Jr, sa pamamagitan ng pinagsanib na puwersa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Region 2, katuwang ang Claveria Police Station at iba pang yunit ng PNP, naging matagumpay ang pagkakadakip sa suspek.
Ayon pa kay PCpt Tolentino Jr, ang nasabat na cocaine mula sa suspek ay pinaniniwalaang mula sa mga pakete ng ilegal na droga na napadpad sa baybayin ng Claveria, ngunit hindi ito isinuko sa mga awtoridad.
Kabilang sa mga nakumpiskang ebidensya ang isang (1) kilong bloke ng hinihinalang cocaine na nakabalot sa duct tape at may tatak na “Coca Racing,” Php249,000 boodle money, isang (1) cellphone, isang (1) itim na backpack, at isang (1) susi ng tricycle.
Samantala, pinuri naman ni Police Brigadier General Roy B Parena, Regional Director ng Police Regional Office 2, ang matagumpay na operasyon at muling binigyang-diin ang determinasyon ng kapulisan at mga katuwang na ahensya sa kampanya kontra ilegal na droga.
“Ang pagkakakumpiska ng Php5.3 milyong halaga ng hinihinalang cocaine ay nagpapakita na ang PRO2, katuwang ang PDEA, ay walang tigil sa pagtugis sa mga drug trafficker para sa isang ligtas na komunidad,” ani PBGen Parena.
Source: PRO2 FB Page
Photo Courtesy by Claveria PS



