Php300K halaga ng ilegal na kahoy, nakumpiska sa tatlong suspek sa Enrile, Cagayan

0
1044

Nakumpiska ang tinatayang nasa 3,000 board feet ng mga nalagareng kahoy na nagkakahalaga ng Php300,000 mula sa tatlong suspek sa isinagawang 24/7 border checkpoint ng 204th Maneuver Company ng RMFB2 sa Barangay Roma Norte, Enrile, Cagayan nito lamang Oktubre 25, 2025.

Nasabat ng mga kapulisan ang isang puting close van na kargado ng iba’t ibang uri at sukat ng mga pinagtabasang kahoy. Nang hingan ng kaukulang dokumento, nabigong magprisinta ng DENR-issued transport permit ang mga suspek ng naturang sasakyan.

Kinilala ang mga suspek na sina alyas ”Rommel”, 32 taong gulang; alyas ”Djeron”, 52 taong gulang; kapwa mga residente ng Ballesteros, Cagayan at alyas ”Miro”, 35 taong gulang at residente ng Aparri, Cagayan.

Samantala, pinuri naman ni PBGen Antonio P Marallag, Jr, Regional Director ng Police Regional Office 2, ang mga kapulisan na nasa likod sa pagkakahuli ng mga suspek at hinihikayat ang iba pang mga miyembro ng PNP na ipagpatuloy ang mahigpit na pagpapatupad sa illegal logging upang patuloy na maprotektahan at mapangalagaan ang kalikasan sa Lambak ng Cagayan.

“Tinitiyak ko sa ating mga mamamayan na ipinatutupad nang mahigpit ang “No Take Policy” laban sa anumang uri ng ilegal na pagtotroso at kaugnay na krimen. Walang sinuman ang makaliligtas sa batas mapa-ordinaryong mamamayan o kasapi ng PNP. Kapag may nahuling sangkot, lalo na kung ito ay miyembro ng kapulisan, agad itong kakasuhan at sisiguraduhing matatanggal sa serbisyo,” dagdag ni PBGen Marallag, Jr.

Source: PRO2 FB Page