Naaresto ng mga tauhan ng Calaca Component City Police Station ang dalawang suspek na babae sa kasong pagnanakaw sa parking area ng St. Raphael Archangel Parish Church, Barangay Poblacion 3, Calaca City, Batangas, noong Oktubre 24, 2025.
Kinilala ang mga suspek na sina alyas “Melda”, 62 taong gulang, biyuda, walang trabaho, residente ng Congressional Village, Barangay Torro, Quezon City, at alyas “Marites”, 54 taong gulang, dalaga, walang trabaho, residente ng Fortune Village Phase 5, Barangay Parada, Valenzuela City.
Ang biktima naman ay si alyas “Silvia”, 77 taong gulang, biyuda, OFW, at residente ng Barangay San Isidro, Lemery, Batangas.
Batay sa imbestigasyon, ang dalawang suspek ay nahuling aktong nagnanakaw ng gintong kuwintas ng biktima na nagkakahalaga ng humigit-kumulang Php60,000. Ang apo ng biktima, na siyang saksi sa insidente, ay agad humingi ng tulong sa mga nagpapatrulyang pulis na sina PSSg Jayson Ortizo at Pat Jeffrey Sta. Ana, na nagresulta sa agarang pag-aresto ng mga suspek at pagkakabawi ng ninakaw na alahas.
Ayon kay PCol Geovanny Emerick A. Sibalo, Acting Provincial Director ng Batangas PPO: “Hindi namin palalampasin ang mga insidente ng pagnanakaw at anumang krimen na sumisira sa katahimikan ng ating lalawigan. Ang mabilis na aksyon ng Calaca Police ay patunay ng aming tapat na serbisyo — dahil dine sa Batangas, walang takas!”



