Php3.4M halaga ng Shabu, nasamsam sa buy-bust sa Pampanga; 2 HVI, timbog

0
810

Arestado ang dalawang High Value Individual sa ikinasang buy-bust operation ng pinagsanib na puwersa ng mga operatiba ng Porac Municipal Police Station Drug Enforcement Unit at Pampanga Provincial Drug Enforcement Unit sa Brgy. Hacienda Dolores, Porac, Pampanga nito lamang ika- 29 ng Hulyo, 2025.

Ang operasyon ay isinagawa sa ilalim ng pamumuno ni Police Colonel Eugene M Marcelo, Provincial Director ng Pampanga Police Provincial Office.

Kinilala ang mga suspek na sina alyas “Dacula,” 47 anyos, may asawa, at si alyas “Acmad”, 23 anyos, binata — kapwa walang trabaho at residente ng Brgy. Anupul, Bamban, Tarlac.

Nakumpiska mula sa mga suspek ang siyam na piraso ng Php500 bill bilang marked money; 91 pang piraso ng Php500 boodle money; iba pang non-drug items at humigit-kumulang 500 gramo ng hinihinalang shabu na may standard drug price na Php3,400,000.

Kasong paglabag sa Sections 5 at 11, Article II ng Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang kakaharapin ng mga suspek.

Patuloy ang maigting na kampanya ng Pampanga PNP laban sa iligal na droga upang mapanatili ang kaayusan at kapayapaan sa buong lalawigan.