2 Suspek, arestado sa buy-bust sa Arevalo, Iloilo City

0
623
Oplus_131072

Arestado ang dalawang marine engineering students sa ikinasang drug buy-bust operation ng mga kapulisan sa C1 Road, Barangay San Jose, Arevalo, Iloilo City nito lamang ika 27 ng Hulyo 2025.

Kinilala ang mga suspek sa mga alyas na “John”, 20-anyos, at “Cy”, 24-anyos, kapwa residente ng Cabatuan, Iloilo.

Si John ay isang first-year student habang si Cy naman ay incoming second year na sa kursong Marine Engineering.

Ayon sa ulat ng Iloilo City Police Station 6 na pinamumunuan ni Police Captain Benjie Dicen, positibong nabentahan ng isang sachet ng hinihinalang shabu ang dalawa.

Nakuha pa kay John ang dalawang karagdagang plastic sachet ng pinaniniwalaang iligal na droga at ang marked money na ginamit sa operasyon.

Bukod sa droga, kinumpiska rin ng mga operatiba ang isang Sports Utility Vehicle (SUV) na napag-alamang pagmamay-ari ng tiyahin ni Cy at ginagamit umano ng mga suspek.

Nasa humigit kumulang apat (4) na gramo ang kabuuang bigat ng nakumpiskang droga sa mga suspek na may market value na tinatayang ₱27,200.00

Kasalukuyang nakakulong ang dalawang suspek sa custodial facility ng Iloilo City Police Station 6 para sa tamang dsisposisyon at mahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 o ang RA 9165.

Patuloy ang paalala ng pulisya sa publiko, lalo na sa mga kabataan, na umiwas sa paggamit at pagbebenta ng iligal na droga, at makiisa sa kampanya laban sa kriminalidad para sa mas ligtas na komunidad.

Source: PRO6 RTOC

Panulat ni Pat Lyneth Sablon