Naaresto ang isang High Value Individual (HVI) sa isinagawang buy-bust operation sa Villa Vita, Barangay Isabang, Tayabas City noong Hulyo 30, 2025.
Nadakip ng Quezon Provincial Drug Enforcement Unit ang suspek at nakumpiska ang isang heat-sealed na plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu, limang karagdagang heat-sealed na plastic sachets na may parehong laman na narekober sa isinagawang preventive search, at ang ginamit na marked money.
Ang nasabing droga ay may tinatayang kabuuang bigat na 160 gramo at Standard Drug Price (SDP) na Php1,088,000 at street value na humigit-kumulang Php3,264,000.
Pinuri naman ni PBGen Jack L Wanky, Regional Director ng PRO CALABARZON, ang lahat ng nasa likod ng matagumpay na operasyon.
“Binabati ko ang Quezon Provincial Police Office, partikular ang PDEU-Quezon, sa matagumpay na operasyon laban sa ilegal na droga na isinagawa sa Tayabas City. Ang operasyong ito ay patunay ng determinasyon ng ating kapulisan na linisin ang ating mga pamayanan mula sa banta ng iligal na droga.”
Ang suspek ay kasalukuyang nasa kustodiya ng Tayabas City Police Station at nahaharap sa kaso ng paglabag sa Sections 5 at 11 ng Article II ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Hindi titigil ang buhay hanay ng kapulisan sa kanilang mandato upang tuluyan ng masawata ang lahat ng uri ng kriminalidad sa bansa.



