Matagumpay na ipinatupad ng mga operatiba ng San Enrique Municipal Police Station (MPS), sa ilalim ng pamumuno ng Negros Occidental Police Provincial Office (NOCPPO), ang isang Search Warrant operation sa Barangay Tibsoc, San Enrique, Negros Occidental noong Hulyo 26, 2026.
Nagresulta ang operasyon sa pagkakaaresto ng isang suspek na kinilalang si alyas “Pat,” 36 taong gulang at residente ng naturang barangay. Nakumpiska mula sa kanyang pag-iingat ang humigit-kumulang 31.5 gramo ng hinihinalang shabu na may tinatayang Standard Drug Price na PHP 214,200.00, kasama ang iba pang mga non-drug items.
Matapos ang pag-aresto, ipinaalam sa suspek ang kanyang mga karapatan alinsunod sa umiiral na batas, kabilang ang mga probisyon ng Anti-Torture Act, sa wikang kanyang nauunawaan. Kasalukuyan siyang nasa kustodiya ng San Enrique MPS para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon bago iharap sa kasong paglabag sa Republic Act No. 9165, o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Patuloy namang hinihikayat ng Philippine National Police (PNP) ang publiko na makiisa sa kampanya laban sa kriminalidad at ilegal na droga sa pamamagitan ng pagbibigay ng mahalagang impormasyon sa mga awtoridad.
Sa ilalim ng adhikaing “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman,” nananatiling nakatuon ang PNP sa pagbibigay ng maagap, tapat, at epektibong serbisyo upang mapanatili ang kapayapaan, kaayusan, at kaligtasan ng bawat komunidad.
Writer: Pat Andrea Dominique Depalubos



