Mahigit Php800,000 halaga ng hinihinalang shabu ang nasamsam ng pinagsanib na puwersa ng Provincial Drug Enforcement Unit (PDEU) ng Cagayan Police Provincial Office at Tuguegarao Component City Police Station (CCPS) sa isang buy-bust operation sa Barangay Gosi Sur, Tuguegarao City, noong Hulyo 26, 2026.
Kinilala ang suspek sa alyas na “Ronnie,” may asawa, cellphone technician, at residente ng nasabing lungsod.Nakumpiska mula sa suspek ang isang sachet ng hinihinalang shabu na may timbang na humigit-kumulang limang gramo at tinatayang halaga na Php34,000.00.
Nasamsam din ang 13 pang sachet ng hinihinalang shabu na may kabuuang timbang na tinatayang 113 gramo at Standard Drug Price (SDP) na Php768,400.00. Sa kabuuan, umabot sa 118 gramo ng hinihinalang shabu na may tinatayang SDP na Php804,400.00 ang narekober sa operasyon.
Bukod sa mga hinihinalang ilegal na droga, narekober din ng mga operatiba ang isang pink na Samsung Android cellphone, isang digital weighing scale, isang itim na belt bag, at isang puting motorsiklo na pinaniniwalaang ginamit sa ilegal na transaksyon.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Tuguegarao Component City Police Station ang suspek habang isinasagawa ang kaukulang dokumentasyon at paghahanda ng mga kasong isasampa laban sa kanya dahil sa paglabag sa Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Patuloy ang Valley Cops sa pagpapaigting ng kampanya laban sa ilegal na droga sa pamamagitan ng mas pinaigting na intelligence-driven operations at pakikipagtulungan ng komunidad upang mapigilan ang paglaganap ng ilegal na droga at maisulong ang ligtas at drug-free na rehiyon.
Source: Police Regional Office 2



