Isang hinihinalang drug peddler ang naaresto matapos ang matagumpay na buy-bust operation na isinagawa ng mga operatiba ng Daraga Municipal Police Station, katuwang ang Provincial Intelligence Unit (PIU) ng Albay Police Provincial Office at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Albay, sa ilalim ng koordinasyon ng PDEA Regional Office 5. Ang operasyon ay isinagawa sa pangkalahatang superbisyon ni PLtCol Mary Grace P. Tagtag, Chief of Police ng Daraga MPS.
Dakong alas 4:40 ng hapon noong Agosto 3, 2026, nasakote ang suspek na kinilalang si alyas “Indo,” nasa hustong gulang, binata, at residente ng Legazpi City, matapos nitong bentahan ng isang heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu ang isang police poseur-buyer. Ang nasabing buy-bust item ay may tinatayang timbang na 0.8 gramo at Standard Drug Price (SDP) na Php5,440.00.
Sa isinagawang body search at inventory, nakumpiska pa mula sa suspek ang anim (6) pang heat-sealed transparent plastic sachets na naglalaman ng hinihinalang shabu na may kabuuang tinatayang timbang na 30 gramo at Standard Drug Price na Php204,000.00. Nasamsam din ang buy-bust money, isang motorsiklo, at isang caliber .38 revolver na kargado ng limang bala.
Nahaharap ang suspek sa kaukulang kasong paglabag sa Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, gayundin sa Republic Act No. 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Pinuri ni PCol Noel Donato Nuñez, Provincial Director ng Albay Police Provincial Office, ang mga operatibang nagsagawa ng matagumpay na operasyon at muling iginiit ang kanilang matatag na kampanya laban sa ilegal na droga at iba pang kriminalidad.
“Ang tagumpay na ito ay patunay ng mas pinaigting na kampanya ng Albay Kasurog Cops laban sa ilegal na droga. Sa tulong ng intelligence-driven policing sa ilalim ng Serbisyong NOEL, patuloy tayong magsasagawa ng mga hakbang upang linisin ang ating komunidad at panatilihing ligtas ang bawat lansangan para sa mamamayan,” ani PCol Nuñez.



