Daraga PNP pinaigting ang school safety sa agarang pagtugon sa insidente ng hinihinalang marijuana

0
255

Agad na rumesponde ang Daraga Municipal Police Station (MPS) sa isang insidente na kinasasangkutan ng dalawang mag-aaral ng Senior High School matapos ang pagkakarekober ng pinaghihinalaang marijuana sa loob ng isang pampublikong paaralan sa Daraga, Albay, bandang alas-3:00 ng hapon noong Agosto 4, 2026.

Batay sa paunang ulat, isang school security personnel na nagsasagawa ng regular na inspeksyon ang nakakita umano sa isang estudyante na inaabot ang isang improvised na “tooter” na naglalaman ng pinaghihinalaang tuyong dahon ng marijuana sa isa pang estudyante sa labas ng palikuran ng mga lalaki. Agad itong iniulat sa pamunuan ng paaralan, na humingi ng tulong sa Daraga MPS sa ilalim ng pamumuno ni PLtCol Mary Grace P. Tagtag, Chief of Police.

Kaagad na rumesponde ang mga pulis at isinuko sa kanila ang dalawang estudyante kasama ang narekober na improvised na “tooter” na naglalaman ng tinatayang limang (5) gramo ng pinaghihinalaang tuyong dahon ng marijuana na may tinatayang Standard Drug Price na humigit-kumulang Php600.00.

Ang estudyanteng nasa hustong gulang ay kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya at sasailalim sa kaukulang legal na proseso, habang ang isa namang menor de edad na isang Child in Conflict with the Law (CICL) ay agad na isinailalim sa pangangalaga ng Daraga Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) para sa naaangkop na interbensyon at protective custody sa presensya ng kanyang magulang, alinsunod sa Republic Act No. 9344 o Juvenile Justice and Welfare Act of 2006, na inamyendahan. Bilang pagtalima sa umiiral na batas, hindi isinapubliko ng pulisya ang anumang impormasyong maaaring magbunyag sa pagkakakilanlan ng menor de edad.

Binigyang-diin ni PLtCol Tagtag ang kahalagahan ng patuloy na pagtutulungan ng mga paaralan, mga magulang, lokal na pamahalaan, at mga law enforcement agency upang mapanatiling ligtas at malaya sa impluwensya ng ilegal na droga ang mga paaralan. Pinuri rin niya ang maagap na pagkilos ng pamunuan ng paaralan at ng school security personnel, na naging mahalagang bahagi sa agarang pagtugon sa insidente. Aniya, mananatiling nakatuon ang Daraga MPS sa pagpapatupad ng batas habang iginagalang at pinangangalagaan ang karapatan at kapakanan ng bawat kabataan, alinsunod sa adbokasiya ng Pambansang Pulisya na “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”

Leave a Reply