Mahigit Php2M halaga ng ilegal na droga, nasamsam ng PROCAR; 4 na drug personalities, arestado

0
189

Matagumpay na nasamsam ng Police Regional Office Cordillera Administrative Region (PRO CAR) ang tinatayang Php2,004,080 halaga ng iligal na droga sa magkakahiwalay na anti-illegal drug operations na isinagawa sa lalawigan ng Kalinga at Baguio City noong Agosto 4, 2026. Nagresulta rin ang operasyong ito sa pagkakaaresto ng apat na drug personality.

Ayon kay Police Brigadier General Ericson D. Dilag, Regional Director ng PROCAR, nadiskubre sa isang marijuana eradication operation ang plantasyon na naglalaman ng 10,000 fully grown marijuana plants na may Standard Drug Price (SDP) na Php2,000,000 sa Brgy. Butbut, Tinglayan, Kalinga. Pinangunahan ang operasyon ng mga operatiba mula sa Tinglayan Municipal Police Station (MPS), Balbalan MPS, Provincial Drug Enforcement Unit, 2nd Kalinga Provincial Mobile Force Company ng Kalinga Police Provincial Office (PPO), katuwang ang Philippine Drug Enforcement Agency-CAR (PDEA-CAR).

Agad na binunot at sinunog ng mga operatiba ang lahat ng natuklasang tanim na marijuana. Samantala, nagpapatuloy ang masusing imbestigasyon upang matukoy ang iba pang posibleng plantasyon sa mga kalapit na lugar at mapanagot ang mga indibidwal na sangkot sa ilegal na pagtatanim nito.

Sa hiwalay namang police response operation sa Brgy. Dagupan West, Tabuk City, naaresto ng mga operatiba ng Tabuk City Police Station dalawang lalaki na may edad 34 at 38, at isang menor de edad na hinihinalang mga drug personalities. Nakumpiska mula sa kanila ang isang sachet ng pinaghihinalaang shabu na may bigat na 0.3 gramo at SDP na Php2,040, gayundin ang isa pang sachet na may bakas ng pinaghihinalaang shabu.

Samantala, sa isinagawang buy-bust operation sa Brgy. Irisan, Baguio City, naaresto ang isa pang lalaking drug personality. Isinagawa ang operasyon ng mga tauhan ng Police Station 5, Police Station 9, City Intelligence Unit, at City Drug Enforcement Unit ng Baguio City Police Office, katuwang ang PDEA-CAR. Nakumpiska mula sa suspek ang isang sachet ng pinaghihinalaang shabu na may bigat na 0.3 gramo at SDP na Php2,040.

Dinala sa kustodiya ng mga kaukulang operating units ang mga naarestong suspek at ang mga nakumpiskang ebidensya para sa dokumentasyon at wastong disposisyon. Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Republic Act No. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Ang matagumpay na operasyon na ito ay sumasalamin sa patuloy na pangako ng PROCAR sa paglaban sa ilegal na droga sa pamamagitan ng pinaigting na operasyon at pinalakas na pakikipagtulungan sa iba’t ibang ahensya at komunidad, na sumasalamin sa mantra ng PNP na “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat at Nararamdaman”.

Source: PNP Police Regional Office CAR

Leave a Reply