Php204K halaga ng hinihinalang shabu, nakumpiska sa isang menor de edad sa Bacolod City

0
56

Nakumpiska ng mga tauhan ng Bacolod City Police Office (BCPO) ang humigit-kumulang 30 gramo ng pinaghihinalaang shabu na may tinatayang Standard Drug Price (SDP) na Php204,000 mula sa isang menor de edad na Grade 9 student sa isang pampublikong paaralan sa Barangay Banago, Bacolod City noong ika-20 ng Hulyo 2026.

Naging matagumpay ang operasyon dahil sa pagiging mapagmatyag ng school security guard na nagsasagawa ng regular na inspeksyon sa exit gate ng paaralan. Nang mapansin ang kahina-hinalang laman ng bag ng estudyante, agad niya itong iniulat sa Police Station 3 ng BCPO. Mabilis namang rumesponde ang mga operatiba, katuwang ang mga tauhan ng City Intelligence Unit (CIU), upang tiyakin ang ligtas, maayos, at naaayon sa batas na pagproseso ng insidente.

Agad ding isinagawa ng mga pulis ang wastong imbentaryo sa mga nakuhang ebidensya alinsunod sa umiiral na mga alituntunin. Samantala, ang menor de edad ay inilagay sa protective custody alinsunod sa Republic Act No. 9344 o Juvenile Justice and Welfare Act of 2006.

Bilang bahagi ng makatao at child-sensitive na pagpapatupad ng batas, isasailalim ang bata sa kaukulang intervention at rehabilitation sa pamamagitan ng Social Development Center, habang nagpapatuloy ang imbestigasyon upang matukoy ang pinagmulan ng ilegal na droga at kung may mga nasa likod ng posibleng paggamit sa menor de edad bilang kasangkapan sa bentahan ng ilegal na droga.

Ayon kay PBGen Romano V. Cardiño, Regional Director ng Police Regional Office Negros Island Region (PRO-NIR), ang insidenteng ito ay nagpapakita ng kahalagahan ng matibay na ugnayan ng mga paaralan, pamilya, komunidad, at kapulisan sa pagprotekta sa kabataan laban sa banta ng ilegal na droga.

Sa pamamagitan ng maagap na aksyon, mahigpit na pagpapatupad ng batas, at paggalang sa karapatan ng bawat mamamayan, patuloy na pinatutunayan ng PNP ang dedikasyon nitong pangalagaan ang seguridad ng publiko, lalo na ng kabataang Pilipino na naaayon sa adhikain ng “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”

Patuloy namang hinihikayat ng PRO-NIR ang publiko na makiisa sa kampanya laban sa ilegal na droga sa pamamagitan ng agarang pag-uulat ng anumang kahina-hinalang aktibidad sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya o sa SAFE NIR Dial 911. Sa sama-samang pagkilos ng komunidad at ng kapulisan, higit na mapagtitibay ang isang ligtas, mapayapa, at maunlad na Bagong Pilipinas.

Panulat ni Pat Andrea Dominique Depalubos

Source: PRO NIR

Leave a Reply