Mas pinalakas pa ng Police Regional Office 5 (PRO5) ang kampanya nito laban sa ilegal na droga at iba pang uri ng kriminalidad matapos maaresto ang isang High-Value Individual (HVI) sa isinagawang magkasanib na buy-bust operation sa Barangay 1, Pio Duran, Albay bandang 11:28 ng gabi noong Hulyo 20, 2026.
Pinangunahan ng Provincial Intelligence Unit ang operasyon, katuwang ang Pio Duran Municipal Police Station ng Albay Police Provincial Office at ang ODRDO-RPDEU5, sa pakikipag-ugnayan sa Philippine Drug Enforcement Agency Regional Office 5 (PDEA RO5).
Kinilala ang naarestong suspek na may alyas na “Al,” 63 taong gulang, residente ng Pio Duran, Albay. Nakumpiska mula sa kanyang pag-iingat ang 14 na heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na may kabuuang timbang na 55.5 gramo at tinatayang Standard Drug Price na Php377,400.00.
Bukod sa ilegal na droga, nasamsam din sa operasyon ang isang kalibre .38 revolver na walang serial number at may lamang tatlong live ammunition.
Mahaharap ang naarestong suspek sa mga kasong paglabag sa Republic Act No. 9165 at Republic Act No. 10591, o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Pinuri naman ni PBGen Erosito N. Miranda, Regional Director ng PRO5, ang mga operatiba sa matagumpay na pagsasagawa ng operasyon at kinilala ang kanilang dedikasyon sa pagpapatupad ng batas.
Binigyang-diin din niya ang patuloy na pagpapatupad ng mga intelligence-driven operations laban sa ilegal na droga, loose firearms, at iba pang uri ng kriminalidad upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa Bicol Region alinsunod sa adbokasiya ng “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”
Aniya, mananatiling pursigido ang PRO5 sa pagsasagawa ng mga estratehiko at maagap na operasyon, pagpapalakas ng koordinasyon sa iba pang law enforcement agencies at pagpapatupad ng PNP Focused Agenda upang higit na maprotektahan ang mamamayan at mapanatiling ligtas ang buong Rehiyon ng Bicol.
Panulat ni PCpl Doxie Charesse C Casasos



